https://iclfi.org/pubs/tap/2025-council
Malugod naming tinatanggap ang mga panawagan ng mga Pambansang Demokrata ng BAYAN at ng Partido Lakas ng Masa (PLM) para sa isang alternatibo sa korap na oligarkong Marcos/Duterte, isang gobyerno na kumakatawan at lumalaban para sa interes ng masa. Habang tinututulan ng mga liberal at ng kanilang mga sosyal-demokratikong kaalyado ng Trillion Peso March Movement ang pagpilit kay Marcos na bumaba sa puwesto, ang panukala ng BAYAN/PLM na magtatag ng People’s Transitional Council ay pumukaw sa mga militanteng manggagawa, kabataang makakaliwa at aping masa sa pag-asang titipunin ng Konsehong ito ang pinakamilitante, pinakamatatag at dedikadong pwersa upang pamunuan ang pakikibaka para sa kapangyarihan tungo sa pagkamit ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Taliwas sa inaasahan ng mga tagasuporta ng kaliwa, inanunsyo kalaunan ng lider ng BAYAN na si Teddy Casiño na isasama rin sa People’s Transitional Council ang mga “reformist business leaders” at mga “retired AFP/PNP officers with integrity”. Nagbigay pa nga ng mga pahiwatig si Casiño na ang konserbatibong pulitiko na si Senate President Tito Sotto ay isinasaalang-alang para sa papel ng senior leader ng Konseho. Sa katulad na bweltang maka-kanan, inilunsad naman ng sosyalistang PLM ang kanilang sariling alyansa kung saan ang isang retiradong commodore ng Philippine Navy ay gumaganap ng susing papel.
Ito ay walang iba kundi isang re-play ng bigong EDSA "people power" model. Tatlong beses na natin itong naranasan noon at ang resulta ay pinatinding neokolonyal na pang-aalipin. Bakit? Dahil ang mga oligarko at ang kanilang mga heneral ay nakatuon sa pagpapanatili ng kaayusang panlipunan sa bansa kung saan sila ang mga ahente pang-komersyo at kontratista ng paggawa para sa Estados Unidos, na siya namang tumutukod sa tiwaling gobyerno sa pamamagitan ng suportang militar, pinansyal, at diplomatiko.
Makibaka! Huwag Matakot!
Hindi kanais-nais ang mga maniobra ng mga pinuno ng BAYAN/PLM! Ito’y halimbawa ng pagsuko sa mga oligarko, na naghahangad na kontrolin at manipulahin ang kilusang kontra sa korapsyon para isulong ang kanilang pansariling kapakanan. Mariin naming kinokondena ang patuloy na ganitong pakikitampisaw sa mga burgis na pangkating militar, mga pulitiko, at mga pang-negosyo at pinansyal na interes. Nananawagan kami sa BAYAN at PLM: Isulong ang pakikibaka para sa isang Gobyerno ng Masa! Kailangang magkaroon ng isang sosyalistang alternatibo mula sa uring manggagawa para sa pagpapalaya ng sambayanan.
Tutulan ang mga Heneral! Ang mga nakatataas na opisyales militar ay kabilang sa naghaharing uri. Sila ang mga tapat na asong tagabantay ng Estados Unidos, na nagsasanay at nagsusuplay sa kanila ng mga armas. Ang kanilang mga kamay ay nababahiran ng dugo ng masa. Bilang bahagi ng burgis na establisyemento, hindi mag-aatubiling pakawalan ng mga heneral ang terorismo ng estado laban sa mga manggagawa at masa sa kanayunan kapag nagbabanta ang ating mga pakikibaka na pataubin ang neokolonyal na lipunang Pilipino. Para sa mga umaasa na ang mga heneral ay maaaring maging kaibigan natin, mayroong mahabang listahan ng mga kalupitang pulisya-militar kabilang rito ang mga masaker sa Mendiola Bridge (1987) at Kidapawan City (2016), ang malawakang pagwasak sa Muslim na lungsod ng Marawi noong 2017, at ang serye ng patayan sa Timog Katagalugan noong Bloody Sunday 2021.
Hadlangan ang mga Cacique! Ang mga lider negosyante, gaano man sila mag-astang repormista o progresibo, ay walang lugar sa People’s Transitional Council. Saanman sa Global South, ang mga kapitalista na na-iipit ng masang nag-aalsa ay pumupusisyon bilang mga tagapagtanggol ng sambayanan. Ngunit ang uring ito ay hindi maaaring gumanap ng progresibong papel. Ang kayamanan ng maraming "repormistang" negosyante ay mabilis na lumago dulot ng mga patakaran ng pribatisasyon, denasyonalisasyon, at pambabarat sa sahod na ipinataw sa bansa ng World Bank-IMF at mga imperyalistang Amerikano. Bilang mga kasapi ng neokolonyal na naghaharing uri, sila ay lubos na umaasa sa mga bangko at kumpanya ng U.S., Europa at Japan para sa mga pautang, logistik, at mga kontrata sa negosyo. Tulad ng mga nauna sa kanila noong Digmaang Pilipino-Amerikano at noong Pananakop ng mga Hapones, ang burgesyang neokolonyal ang unang magiging balimbing at susuko sa presyur ng imperyalista.
Pigilan ang “Civil Society” at Pakikialam ng Simbahan! Ito marahil ang isa sa pinakakontrobersyal na isyu sa kaliwa sa Pilipinas, na sa maraming taon ay umaasa sa mga Non-Government Organization networks at ahensya ng Simbahan para sa kanilang pondo at suporta. Bilang mga rebolusyonaryong Marxista, iginigiit namin na ang mga NGO, mga civil society organizations, at ang hirarkiya ng Simbahan ay hindi dapat magkaroon ng representasyon sa People’s Transitional Council. Sa kasalukuyan, ang Simbahan, mga NGO, at mga CSO ang pangunahing tumututol sa pagpapatalsik kay Marcos. Nagsisilbi silang pangkontrol tuwing may bantang ligalig sa lipunan, at pagkatapos ay ililihis ang galit ng masa sa mga daluyan na itinuturing na katanggap-tanggap sa naghaharing uri. Dahil pinopondohan sila ng mga imperyalista at oligarko ang mga ahensya ng Simbahan, NGO at civil society actors, hindi nila kailanman kakagatin ang mga kamay na nagpapakain sa kanila. Sa halip, ang mga puwersang ito ay aktibong nagsusumikap na patamlayin at ikumpromiso ang ating pakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Kailangan nang kumilos ang militanteng kabataan at sosyalistang kaliwa ng BAYAN at PLM! Upang matigil ang pagsukong nagaganap, kinakailangang maglunsad ng internal na tunggaliang pampulitika sa ating mga partido at organisasyong masa laban sa mga elementong maka-kanan at mapag-kompromiso, mga nag-iilusyon na isang koalisyon kasama ang mga heneral at iba pang pwersang burges ay makakatulong sa pakikibaka upang malutas ang nag-aalab na pambansa at demokratikong mga kahilingan.
Ipakita natin ang pinagsanib na lakas ng kaliwa at kilusang anakpawis sa Kaarawan ni Bonifacio at ikintal sa ating mga bandila: People’s Transitional Council Ipaglaban! Mga Heneral at mga Oligarko Mahigpit na Ipagbawal!
Magkaisang Hanay! Sulong sa Luneta sa Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio!
Spartakistang Grupo Pilipinas
Komite ng mga Korespondente sa Ultramar
New York City * Nobyembre 27, 2025

