https://iclfi.org/pubs/tap/2024-edca
Habang pabagsak ang hegemonya nito at dumadausdos tungo sa disintegrasyon ang liberal na kaayusan, ang tugon ng U.S. ay patindihin ang presyur sa China at Russia, habang hinihigpitan ang kontrol sa mga bansa tulad ng Pilipinas. Ang krisis ng imperyalismo ay nagtutulak sa U.S. sa digmaan, kung saan ang konsentrasyong militar nito, mula sa East China Sea hanggang sa Malacca Strait ay nagsisilbing mga mitsa para sa madugong komprontasyon sa China.
Matatagpuan sa gilid ng South China Sea, tanod ng Pilipinas ang pinaka-gamit na rutang pandagat sa mundo, kung saan dinadaanan ang karamihan sa suplay ng langis ng China. Sa pinag-aalitang karagatan na ito ay ang mayamang pangisdaan, gayundin ang mga hindi pa nabubungkal na reserba ngw langis, gas at mineral sa ilalim ng dagat. Mula sa Pilipinas, ang U.S. ay may access sa Silangang Asya, Timog Silangang Asya at Indian Ocean—ang litoral ng pinakamatao at pinaka-aktibong bahagi ng ekonomiya ng daigdig.
Sa loob ng maraming dekada, suportado ng kaliwa sa Pilipinas ang teritoryal na ambisyon ng burgesya sa South China Sea. Ang mga pwersa na impluwensiyado ng Communist Party of the Philippines (CPP) at ng National Democratic Front (NDF), mga sosyal demokrata at ang burukrasya sa paggawa ay masigasig na nagbigay suporta sa kasong legal ng burgesya sa Arbitration Court sa The Hague laban sa mga panggigiit sa hangganang pandagat ng China. Ang madalas nilang isterikong nasyonalistang kampanya na anti-China, katugma ng mga kapitalistang pwersa, sa usapin ng kapuluang Spratly [Kalayaan Island Group] ay nagsilbing pangkubli para mas palakasin ng imperyalismong U.S. ang katayuan nito sa rehiyon, at sa kalaunan'y makakuha ng access sa siyam na lokasyong militar sa ilalim ni Pangulong Ferdinand (Bongbong) Marcos Jr. pamamagitan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ang panunumbalik ng mga karapatan sa pagbabase ng U.S. sa Pilipinas sa ilalim ng EDCA ay isang milyahe sa kampanyang pandigma ng imperyalistang hegemon sa rehiyon. Para sa mga Pilipino, na ginunita ang ika-125 anibersaryo ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, ang EDCA ang pinakabagong imperyalistang pasanin sa masang Pilipino—isang matinding paalala na ang Pilipinas ay isang neokolonya ng Amerika, na nagsasarili lamang sa pangalan. Gayundin para sa mga manggagawa at magsasaka ng China, ang mga baseng militar ng U.S. ay kumakatawan sa isang malinaw at kasalukuyang banta sa kanilang buhay.
Ang pag-entrada ng U.S. sa mga base sa Pilipinas ay nagtutulak sa rehiyon papalapit sa bingit ng digmaan. Ang EDCA ay nagbabadya ng matinding paghihirap para sa mga manggagawa at masang api ng rehiyon at mundo. Magiging target ang mga base sa Pilipinas, at ang kasunod na armadong tunggalian ay wawasak sa mga ekonomiya ng Timog Silangang Asya at Australia, kung saan ang China ay isang pangunahing kasosyo sa kalakalan.
Para sa kabataang Pilipino, ang martsa patungo sa digmaan na pinamumunuan ng U.S. ay nangangahulugan ng karagdagang rehimentasyon sa pamamagitan ng sapilitang programa ng ROTC at isang malupit na kinabukasan bilang pambala sa kanyon ng mga pasimuno ng digmaan. Kaya, pahayag namin: EDCA durugin! U.S. bases palayasin! Imperyalismo Ibagsak! Militarismong burgis at imperyalistang digmaan, ibagsak! Compulsory ROTC, tutulan! Wala ni isang tao, ni isang sentimo para sa burgis na militar!
Upang durugin ang EDCA, kailangan ng dambuhalang proletaryong pakikibakang pandaigdigan, kabilang sa China, para mapalayas ang mga bandidong U.S. mula sa Pilipinas at sa buong West Pacific Rim. Ang mga makakaliwa at lider-manggagawa na tumatangging pumanig sa China laban sa imperyalistang pang-aalipin, tulad ng Akbayan at Makabayan, ay nakatayo sa kampo ng mga nagsasamantala sa atin at hindi kailanman makakakuha ng suporta ng mga manggagawa at magsasaka ng China. Samantala, ang naghaharing Partido Komunista ng China, na nagtataguyod sa programa ng “sosyalismo sa iisang bansa,” ay naghahangad lamang ng “mapayapang pagbangon” nito sa loob ng internasyunal na kaayusang dominado ng imperyalista at itinuturing ang rebolusyong panlipunan sa Pilipinas at sa iba pang dako bilang banta para makamit ang layuning iyon. Ang isang anti-imperyalistang alyansa ay magsisilbing pamukaw sa daan-daang milyong proletaryadong Tsino upang patalsikin ang parasitikong burukrasya at agawin ang timon sa pinakamalaking bansa sa kasalukuyan kung saan ibinagsak ang kapitalismo.
Tumitindi ang pagkadismaya ng mga militanteng manggagawa at kabataan sa mga pamunuan ng Akbayan, Makabayan, NAGKAISA at Trade Union Congress of the Philippines, na walang maihain na anumang solusyon para labanan ang mga atake ng burgesya pati mga bagong imperyalistang imposisyon kabilang ang Public Services Act, ang PUV Modernization Program, at Charter Change. Sa halip, itinataguyod ng mga burukrata sa paggawa at nagpapakilalang makakaliwang mga lider ang ideya na ang burgesyang Pilipino ay maaaring maging kaibigan at kaalyado ng mga manggagawa at mga inaapi sa paglaban para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Sa mga anti-imperyalistang manggagawa at radikal na kabataan: kaiingat tayo sa mga burges na pulitiko tulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagpapanggap na kaibigan ng mga inaapi at tumututol sa imperyalistang digmaan! Ang mga Duterte ng Davao at ang kanilang mga katapat sa hilaga, sina Sen. Imee Marcos ng Ilocos at ang mga Mamba ng Cagayan, ang unang tatalikod at magkakanulo sa ating pakikibaka laban sa EDCA dahil likas sa kanila bilang miyembro ng neokolonyal na uring propitaryo na unahin ang pakinabang sa negosyo at makikitid na interes ng kanilang angkan kaysa kapakanan ng bansang inaapi. Anumang militanteng mobilisasyon ng mga manggagawa at mahihirap na hindi makontrol ng burgesya ay nararapat na kilalanin bilang panganib sa kapayapaan at katatagan ng lipunang Pilipino, na nakasandig sa paghihirap ng tao at saga-sagarang pagsasamantala sa paggawa sa mga plantasyon at mga export processing zone.
Ang pagtataas ng rebolusyonaryong internasyunalistang bandila laban sa mga maka-imperyalista sa loob ng kaliwa at kilusang manggagawa ay magsisilbing sentro ng pagkakaisa para sa mga lumalaban sa imperyalismo sa hanay ng mga manggagawa at maralitang tagalunsod at kanayunan. Upang makamit ang pambansang industriyalisasyon, emansipasyon ng magsasaka at mapalayas sa bansa ang mga dayuhang base militar, kailangan ng ating pakikibaka ang pamunuang hindi nakagapos sa burgesyang salapsap ng Pilipinas o sa mga imperyalista.
Sa mga militanteng manggagawa at anti-imperyalistang mag-aaral, iginigiit namin na ang mahalagang gawain ngayon ay ang ma-itatag ang isang tunay na partido komunista na may kakayahang isulong ang ating pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya tungo sa sosyalistang rebolusyon. Bilang unang hakbang, dapat nating linisin ang sarili nating bakuran: Patalsikin ang mga repormistang kunsintidor at mga tutang maka-US—tulad nina Sonny Matula (FFW), Joshua Mata (SENTRO), Mike C. Mendoza (TUCP), Elmer Labog (KMU) at Raoul Manuel (Kabataan)—mula sa kaliwa at kilusang manggagawa!
Ang Pilipinas at China ay may iisang kaaway sa imperyalismong U.S. Nasa interes ng aping masa ng Pilipinas, ang mayoryang anakpawis sa kapuluan, na bumuo ng anti-imperyalistang alyansa kasama ang mga manggagawang Tsino, magsasaka at kawal ng PLA.
Bilang panimula, dapat nating kilalanin ang mga balakid sa pagpanday ng palabang alyansang ito. Una, sinasamantala ng imperyalismo ang mga hinanakit laban sa China na bunsod ng patakarang pandagat sa South China Sea ng Stalinistang rehimen sa Beijing, kung saan hinaharas ng mga awtoridad ng China ang mga mangingisda mula sa mga kalapit na bansa na nakikibahagi sa mga tradisyunal na lugar ng pangisdaan at ligtas na daungan sa hindi mabilang na henerasyon. Pangalawa, ang suporta ng China sa mga kinasusuklamang paksyon ng burgesya, tulad ng awtoritaryan na rehimen ni dating Pangulong Duterte, ay hindi nagpapabuti ng pagkakakilala sa Beijing sa hanay ng mga mamamayang anakpawis.
Para sa mamamayang Tsino at masang Pilipino ang pagbuo ng anti-imperyalistang alyansang ito ay nangangahulugan ng pagtakwil sa mga panawagan para sa “zones of peace,” “non-interference” at “peaceful coexistence” sa mga imperyalista, na ipinaglalako ng mga Stalinista sa Beijing at mga makakaliwang Pilipino tulad ng Partido Manggagawa at Partido Lakas ng Masa. Hindi nito isinusulong ang ating pakikibaka laban sa imperyalismo at digmaan. Ang kailangan natin ay isang rebolusyonaryong programang internasyonalista. Sa minimum:
- Mga anti-fishing barrier, baklasin! Magbayanihan—para sa ating lahat ang karagatan!
- Magkaisang ipagtanggol ang South China Sea laban sa mga imperyalistang kaaway!
- Mangingisdang Pilipino, ipamahagi ang polyetong ito sa PLA Navy/Maritime Militia ng China!
Kung sumasang-ayon kayo sa mga rebolusyonaryong anti-imperyalistang posisyon sa pahayag na ito at nais ninyong makipagtalakayan kung paano makakamit ang nabanggit, mangyaring lumiham sa: