https://iclfi.org/pubs/tap/2025-bayan-plm
Mga Kamanggagawa! Mga Kasama! Mga Kababayan!
Nasa panganib ang bayan! Ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, punong tulisan ng mga imperyalistang Amerikano sa bansa ang pinakamalaking banta sa masang Pilipino.
Alam ng lahat na walang habas ang pangungulimbat nina Marcos, mga Duterte, at kanilang mga crony sa Kongreso. Ang katastropikong kapalpakan ng ipinagmamalaking flood control program ng gobyerno ay kumitil ng mahigit 300 buhay ngayong taon, nagpalikas ng 4.8 milyong Pilipino, at sumira ng ari-arian at kabuhayan na nagkakahalaga ng ₱6.76 bilyon. Ang sindikatong pagnanakaw ng burgesya sa mga pondo ng pampublikong imprastraktura ay nag-ugat sa mga patakaran ng pribatisasyon at denasyonalisasyon na ipinataw sa bansa ng World Bank-IMF at ng mga imperyalistang Amerikano matapos mabigo ang rebolusyonaryong pagbugso na binuksan ng Aklas-Sambayanang EDSA noong Pebrero 1986.
Habang ang galit dahil sa korapsyon at hirap ng pamumuhay ay sumiklab sa mga protesta sa lansangan at pakikipagsagupaan sa pulisya noong Setyembre 21, ang anibersaryo ng imposisyon ng batas militar noong 1972 ng diktador-ama ni Pangulong Bongbong Marcos, iginapos ng Trillion Peso March ng oposisyong liberal at ang kanilang mga maka-kaliwang tagasuporta ang pakikibaka laban sa korapsyon sa inutil na pamamaraang parlyamento na katanggap-tanggap sa Makati Business Club at sa hirarkiya ng Simbahan. Handang ipagsanggalang ng mga liberal tulad ng Tindig Pilipinas, ang Akbayan Party at ang mga mataas na pinuno ng FFW, TUCP at SENTRO ang tuta ng Kano na si Marcos upang hindi maka-pwesto sa poder ang maka-kanang oposisyong Dutertista. Kaya naman kalunos-lunos ang kanilang pagmamakaawa na linisin ni Marcos ang kanyang rehimen. Ito ay malinaw na nabunyag bago ang EDSA Trillion Peso March nang pigilan ng mga lider ng liberal at sosyal demokrata sa isang media conference ang mga maka-kaliwang militante sa pagtataas ng mga karatula laban kay Marcos. Sa isang pampublikong pahayag kasunod nito, iginiit naman ni Rep. Antonio Tinio, ACT partylist ng Makabayan, na hindi nila ipinanawagan ang pagbibitiw ni Marcos.
Ang makipaglampungan sa oposisyong liberal ang pampasira sa kredibilidad ng kaliwa sa mata ng malawak na masa, na sukang-suka na sa imperyalistang pangingikil na pinangangasiwaan ng pangkating Marcos at ng mga liberal na katuwang nito. Lumalaki ang simpatiya ng masa para sa maka-kanang nasyonalistang MAISUG at mga populistang Gen Z tulad ni Congressmeow Barzaga dahil sa kanilang reputasyon bilang tanging pwersa na tumututol sa pangyuyurak sa pambansang dignidad at seryosong lumalaban upang patalsikin ang pangkating Marcos.
Mga Kagyat na Tungkulin at Plataporma
Habang naghahanda ang iba't ibang pwersa ng dulong kaliwa, ang liberal na oposisyon at ang populistang maka-kanan para sa demonstrasyon sa Araw ni Bonifacio, ngayon ang nagbabagang tanong: Sino ang magpapatakbo sa bansa? Determinado ang gobyerno ni Marcos na manatili sa kapangyarihan sa tulong ng U.S. Sinisikil ni Marcos ang mga karapatang demokratiko sa pamamagitan ng pag-isyu ng kanyang mga opisyal ng sunod-sunod na mga pahayag ng pagbabanta, subpoena, at gag order laban sa mga peryodista sa kampus at mga tumututol, totoo man o kathang-isip. Tinitipon ng paksyong Dutertista ang kanilang mga kaalyado upang pabagsakin si Marcos at ibalik ang sarili nilang paraan ng tiwaling pamumuno. May malawakang pangamba sa isang golpe de militar, na nangangahulugan lamang ng pagbalik ng brutal na rehimeng tulad ng martial law ni Marcos Sr.
Walang sinuman sa kaliwa sa Pilipinas ang may malinaw na sagot kung ano ang gagawin. Malugod naming tinatanggap ang panawagan ng PLM at mga Pambansang Demokrata na mag-resign sina Bongbong Marcos, Sara Duterte & Co. para magbigay-daan sa isang “Transition People’s Council/People’s Transition Council.” Ngunit hindi nito sinasagot ang tanong: Anong uri ng gobyerno ang kailangan ng mga manggagawa at aping masa ng bansang ito? Walang silbi ang transition council kung kasama ang mga liberal. Yuyuko ang mga “kaalyadong” ito sa panggigipit ng mga imperyalista at makikipag-areglo lang sila kay Marcos at sa mga oligarko. Kailangang magkaroon ng sosyalista, maka-anakpawis na alternatiba para sa pambansang pagpapalaya.
Nananawagan kami sa mga Pambansang Demokrata ng BAYAN at Partido Lakas ng Masa na ipaglaban ang isang Gobyerno ng Masa! Oo, posible ang tagumpay. Kung pangungunahan ng BAYAN at PLM ang pakikibaka laban sa rehimeng Marcos at sa kanyang mga imperyalistang amo, sila ay magiging magnet para sa mga adhikain ng taumbayan at magsisilbing pangalso sa pagitan ng mga maka-kanang populista ni Duterte at ng kanilang baseng suporta nila sa masa. Mangangailangan ito ng pakikipagtunggali sa hanay ng mga NatDem at PLM sa mga elementong kumakapit sa mga burgis-liberal at mga kunsintidor nila na nag-iilusyon na sa pagpasa ng isang batas ay kusang-loob na magpapabuwag ang mga dinastiyang pampulitika sa Kongreso.
Kung ang BAYAN at PLM ay kapwa tunay na tagapagmana nina Andres Bonifacio, Teresa Magbanua, Macario Sakay at Crisanto Evangelista, gaya ng sinasabi ng kanilang mga pinuno, pangungunahan nila ang masang anakpawis sa pakikibaka para sa kapangyarihan upang malutas ang nagbabagang pambansa at demokratikong usapin. Iminumungkahi naming ang sumusunod na plataporma bilang saligan ng pakikibakang ito:
- Ibagsak si Marcos at ang buong oligarkiya! Para sa Gobyerno ng Masa ng BAYAN/PLM!
- Pataubin ang pribatisasyon! Expropriyasyon ng mga imperyalista at mga oligarko! Kanselahin ang utang sa mga imperyalista!
- Para sa pambansang pagpapalaya! Buwagin ang alyansang militar ng U.S.-Pilipinas! EDCA at VFA durugin! U.S. troops at mga base military layas!
Kung sumasang-ayon kayo sa mga ideyang ito, kumilos! Palaganapin at talakayin ang pahayag na ito sa inyong partido, unyon o organisasyong masa! Hikayatin ang inyong mga lider na itayo ang anti-imperyalista, anti-Marcos na oposisyon ng manggagawa NGAYON!
—
Spartakistang Grupo Pilipinas
(Komite ng mga Korespondente sa Ultramar)
Nobyembre 16, 2025

