https://iclfi.org/pubs/tap/2026-pax-silica
Habang ang Estados Unidos ay nasa opensiba para mapa-atras ang pag-angat ng China, nagmamadali si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang mga kaalyadong negosyante na magpundar ng isang U.S. economic security zone sa New Clark City na may mapangahas na pangako ng paglago ng trabaho, mga bagong industriya at pag-unlad sa teknolohiya.
Ang inisyal na proyekto ng Pax Silica ay magreresulta ng pang-aagaw ng lupa na sumasaklaw sa 1,620 ektarya ng mga bukirin pati mga sitiong ninuno ng mga Ayta sa Tarlac, kung saan iginiit ni Presidente Donald Trump ng Estados Unidos ang mga karapatang extra-teritoryal noong Abril ng taong ito. Ang inisyatibang suportado ni Marcos ay magpapalikas sa 20,000 magsasaka at katutubong Ayta, bukod pa sa mga epekto sa ekonomiya at kalikasan dulot ng paglihis at pagsasamantala sa yamang tubig, enerhiya at mga mineral para sa komprontasyon ng U.S. sa China.
Noong 2022, naluklok si Marcos sa poder sa pangakong aangat ang antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng pag-akit ng mas maraming mamumuhunang dayuhan. Sa halip, ang estratehiya ni Marcos na pagyuko sa harap ng mga imperyalista ay humantong sa pambansang kapahamakan. Paniniwalaan pa ba natin si Marcos Jr? Aniya makikinabang ang buong bansa sa kanyang mga planong pangkaunlaran, pero binubuwag naman ng kanyang gobyerno ang mga unyon at pinapanatiling mababa ang sahod upang palugdan ang mga dayuhang investor tulad ng DHL at Kawasaki. Sa ilalim ni Marcos, hinahayaang ang mga higanteng kompanya ng langis na Shell, Caltex at Total ang magdikta ng presyo ng krudo, walang-awang dinarambong ng mga kroning politikal ang pondo ng bayan, at nagbabadyang masangkot ang bansa sa tunggalian sa Taiwan at South China Sea dulot ng lumalawak na pwersang militar ng U.S.
Bagama't maaaring magresulta ang pamumuhunang Pax Silica sa magilan-ngilang trabaho at antas ng industriyalisasyon, sulit bang kapalit ang pagkagapos natin sa nabubulok na imperyo ng Estados Unidos? Ang modelo ng pambansang pag-unlad na ipinataw sa atin ng Estados Unidos at mga institusyon tulad ng World Bank at Asian Development Bank ay hindi nakapag-ahon sa bansa mula sa pagkadalita.
Foreign Investment pero Para Kanino?
Nananatiling atrasado ang Pilipinas, at kailangang lumago ang ekonomiya. Upang makamit ito, kinakailangan ang napakalaking paggugol para sa produksyon ng asero, enerhiya, pataba at makinarya para mabuo ang gulugod ng isang modernong ekonomiya. Ang pagkansela sa utang sa mga imperyalista at pagbawi sa deregulasyon ng industriya ng langis at kuryente ay maaaring maging mga unang hakbang natin tungo sa pambansang industriyalisasyon. Ngunit sa isang naghihirap na bansang tulad ng Pilipinas, kinakailangan pa rin ang dayuhang investment.
Habang nag-oorasyong “ganap na umasa sa sariling kakayanan” kontra sa pagsasamantala ng pandaigdigang kapital, may ilang nasa kaliwa na lubhang tumututol sa dayuhang pamumuhunan. Gayunman, ang mga sosyalistang sagad-sagaran ang pagkontra sa dayuhang investment ay di makakahuli sa kalooban ng mamamayan, na ang hangarin para sa kabuhayan at kaunlaran ay wasto at progresibo. Ang nag-aapoy na tanong ay kung paano makakamit ng bansa ang kinakailangang pamumuhunan sa mga kundisyong kapakipakinabang sa masang Pilipino, hindi para maghatid ng labis-labis na tubo sa iilang bansang imperyalista o ng mga kickback para sa mga oligarko.
Salungat sa mga ekspektasyong pinapalaganap ng mga liberal, mga opisyales ng kilusang paggawa at mga Sosyal Demokratang pulitiko ng AKBAYAN, ang pagsunod sa mga patakaran ng status quo ay hindi magtatadhana ng kinakailangang tuntunin para mapaginhawa ang kalagayan ng sambayanan. Hindi tayo maaaring umasa sa mga tuta ng Amerika tulad ni Marcos para pigilan ang mga pang-aabuso ng mga mamumuhunang U.S. o Hapones o sa mga dinastiyang pampulitika sa Kongreso para magsagawa ng tapat na imbestigasyon sa mga kasunduan at mga pakana na nakapaligid sa kolonyal na Pax Silica ni Trump. Anumang pampulitikang pakikipag-ugnayan sa mga burges na liberal at sa mga alipures na ayaw tapusin ang pagkampi sa Estados Unidos ay makakasira lamang sa kredibiidad ng kaliwa sa mata ng masang sukang-suka hanggang sa kasalukuyan sa kataksila’t katiwalian ng bawat rehimeng maka-U.S.
Upang makamit ang mas paborableng tuntunin at maprotektahan ang pambansang interes, kinakailangan ng isang kilusang anti-imperyalista ng masang proletaryo, magbubukid at maralita. Dapat ipagtanggol ng malawak na kilusang masa ang bansa at ipaggiitan ang mas paborableng kondisyon mula sa pandaigdigang pamumuhunan. Maaaring itugon ng mga dayuhang kapitalista ang pag-alis sa bansa ng kanilang negosyo. Pero hindi tayo dapat mamuhay na parang mga aliping neokolonyal. Sa halip, maaaring manawagan ang masang anakpawis sa uring manggagawa at masang magsasaka ng China. Nasa interes ng China na tulungang mapaunlad ang Pilipinas at palayain ito mula sa imperyalismo. Ang isang soberanong Pilipinas ay magiging isang malaking dagok sa estratehiya ng U.S. na gamitin ang kapuluan para bantaan ang mga siyudad at rutang pandagat ng China.
Paano Maitatayo ang Kilusan
Tama ang mga Pambansa Demokrata ng BAYAN na isulong ang kampanya laban sa Pax Silica ni Trump at para ipagtanggol ang pambansang kasarinlan at ang masang inaapi. Dapat lumahok ang iba pang bahagi ng kaliwa sa Pilipinas para maging matagumpay ang kilusang ito! Kaya paano natin mabubuo ang pinakamalakas na posibleng oposisyon? Ano ang dapat gawin?
Una sa lahat, nakikiisa kami sa mga aktibistang Pambansa Demokratiko na naninindigan na dapat mayroong sosyalistang perspektiba ang pakikibaka sa imperyalismo. Para mapiga sa imperyong U.S. ang pinakapaborableng kondisyon, kinakailangan ang estratehiyang anti-imperyalista na hindi magkakahon ng mga militante sa burges na respetabilidad. Nangangahulugan ito ng pagpukaw sa masa ng sambayanan. Hindi ito magagawa sa pamamagitan ng isang estratehiyang nakabatay sa pagbuo ng alyansa sa repormistang “business sector.” Bagama’t totoo na ang “business sector” na ito ay maaaring umapela sa masa at magsabing kinakatawan nila ang interes ng buong bansa, ang burgesyang Pilipino sa kabuuan ay umiiral bilang tagapamagitan sa masa at sa mga imperyalista, at nagsisilbing mga tagapangasiwa’t kontratista ng neokolonyal na kaayusang panlipunan. Bilang isang mapagsamantalang uri, sa huli ay sisikapin ng burgesyang Pilipino na pigilan, ilihis at durugin ang independiyenteng mobilisasyon ng masa.
Para mabuo ang pagkakaisa sa pagitan ng mga proletaryong ang kahilinga’y mas mabuting trabaho at ng mga katutubong Ayta at komunidad ng magsasakang na ang ikinabubuhay ay ang lupain, dapat, higit sa lahat, na ipagtanggol ng kilusang anti-imperyalista ang kolektibong interes ng mga karaniwang tao. Ibig sabihin, kailangan lumaban ang kilusan, ng buong tapang at hanggang sa huli, para matiyak na ang mga nangungunang conglomerate ay mapasailalim sa kontrol ng masang anakpawis nang magamit ang mga ari-arian nito para sa ating pag-unlad imbis na sa higit pang pagpapayaman ng mga ultra-bilyonaryo tulad ni Ramon Ang ng San Miguel Corp., ng mga Ayala, ng mga Sy-blings, atbp. at ng kanilang mga kasosyong dayuhan. Sa sandaling magsimulang manghimasok ang pakikibakang anti-imperyalista sa yaman at seguridad ng sektor ng “progresibong” negosyo, maging ang burgesya na umaastang nasyonalistang “anti-Yankee” ay, sa takot at pagkasuklam nila sa masa, kakaripas patungo sa yakap ng kanilang tagapagtanggol na si Uncle Sam.
Kailangan Natin ng mga Kakamping Makapangyarihan! Saan Natin Sila Hahanapin?
Ang masang anakpawis ng China ay natural at di-matatangging kakampi sa pakikibakang ito. Ang China ang pangunahing target ng imperyalistang military-industrial build-up sa Pilipinas. Lubos ang interes ng masang Chino na ipagtanggol ang kanilang bansa at ang estadong itinatag ng rebolusyon, na nagbunga ng mga di pa napapantayang pag-usad ng kaunlarang pang-ekonomiya.
Nasa materyal na interes ng mga manggagawang Pilipino, ang mayoryang anakpawis ng kapuluan, na bumuo ng anti-imperyalistang alyansa kasama ng proletaryong Chino, mga magsasaka at mga sundalo ng PLA. Sa paraan ng pakikipag-alyansa sa China, maaaring makinabang ang Pilipinas sa kapwa benepisyal na mga tuntunin sa kalakalan at pamumuhunan at sa surplus na suplay ng mga produktong industriyal ng China, tulad ng abot-kayang makinarya at teknolohiyang solar, para mabilis ang pagsulong ng bansa tungo sa kaunlaran. Pero pinipigilan iyon ng neokolonyal na pagka-alipin ng bansa sa Estados Unidos.
Bilang panimula, dapat nating kilalanin ang mga hadlang sa pagbuo ng alyansang ito sa pakikibaka. Ang isang hadlang ay ang Partido Komunista ng China (CPC). Ang kanilang patakaran ng pagbuo ng isang sosyalistang sibilisasyong eksklusibo sa China at pag-apela sa batas pandaigdig ay hindi makapipigil sa imperyalistang U.S. Sinasamantala ng mga imperyalista ang sama-ng-loob laban sa China na nililikha ng patakaran ng rehimeng Stalinista sa Beijing sa South China Sea, kung saan ginigipit ng mga awtoridad ng China ang mga mangingisda mula sa mga karatig-bansa sa pangisdaan at ligtas na daungan na matagal na pinagbabahaginan ng di-na mabilang na salinlahi. Ang suporta ng China sa mga kinamumuhiang awtoritaryan na rehimen tulad ng kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay lalo pang nagpapasama ng imahe ng Beijing sa hanay ng masang anakpawis. Sa pamamagitan lamang ng rebolusyonaryong pagbabago ng direksiyon, maaaring maki-pagkaisa ang China at mahikayat ang mga mamamayan ng Timog-Silangang Asya na pumanig dito sa pakikibakang anti-imperyalista.
Sa Pilipinas, maaari nating buksan ang daan tungo sa anti-imperyalistang alyansa kasama ang mga manggagawa at magsasakang Chino, pero dapat itigil na ng kaliwa sa Pilipinas ang pagpapatangay nito sa agos-digma ng U.S. sa pamamagitan ng maling paglalarawan sa China bilang isang imperyalistang kapangyarihan. Hindi inaapi ng China ang anumang bansa sa labas ng mga hangganan nito samantalang niyuyurakan naman ng mga bota ng Estados Unidos ang Pilipinas. Ang malawakang pag-unlad ng China ay produkto ng tiyak at natatanging mga kondisyon. Ang mataas nitong naabot na pag-unlad at pakikipamuhay kasama ng kapitalismo ay naging posible lamang dahil nasa paghupa ang mga panggigipit sa rehimen. Habang isinusulong ng U.S. ang kanyang agresibong kampanya laban sa China, nagiging matumal na ang pag-unlad at tumataas ang mga internal na tensiyon.
Ang pagbago ng kaliwa sa Pilipinas sa kanilang linya at pag-ugnay ng depensa ng China sa ating pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay magsisilbing pinakamahusay na paraan para pabulaanan ang nasyonalistang perspektiba ng CPC at malakas na insentibo para makamit ang tulong at pakikiisa ng masang Chino at mga kawal ng PLA, na maaaring gumamit ng matinding pwersa at sapilitang mapakilos ang gobyernong CPC. Para sa Anti-Imperyalistang Alyansa ng Manggagawa at Magsasaka ng Pilipinas at China!
Masa ang Sandigan ng Resbak!
Sa kanilang kampanya laban sa Pax Silica, nagpakita ang hanay ng mga Pambansang Demokrata ng pisikal na tapang sa harap ng gobyernong Marcos. Nais naming ipabatid sa kaliwa na ang mga tumututol sa Pax Silica ay halos eksklusibong nakabase sa mga estudyante, intelektuwal at mga aktibistang NGO. Samantala, may namumuong tunguhin sa mga manggagawa, magbubukid at maralitang tagalungsod na kumiling sa mga maka-kanan at populistang politikong Dutertista at mga konserbatibong pwersang panlipunan, tulad ng Simbahang Katoliko Romano at Iglesia Ni Cristo, para sa kanilang pampulitikang katubusan.
Para mapa-urong ang reaksyunaryong agos, dapat pumaloob ang kaliwa sa buhay na kilusan ng masang anakpawis. Hanggat hindi nag-uugat ang mga anti-imperyalista at maka-komunistang militante sa kilusang ito, mabibigo tayong labanan ang pampulitikang impluwensiya at manipulasyon ng mga maka-Washington na politiko-obrero tulad ni Sonny Matula ng FFW, mga maka-kanang mambubudol na Gen Z, at samut-saring mga liberal na nagpapanggap bilang mga kaibigan ng masang anakpawis.
Kailangang magkaroon ng tunggaliang pampulitika sa ang ating mga organisasyon para mawalis ang mga elementong mapagtaboy sa masa—tulad ng mga "eco-liberal" na naniniwalang ang tugon sa climate change ay isakripisyo ang kabuhayan at kaunlaran ng mga manggagawa, o yaong mga lider na sumisipsip at nakikipagkasundo sa mga burges na politiko gaya nina Leni Robredo, BAM Aquino, at Sandro Marcos, bilang maagang preparasyon sa pambansang halalang 2028. Kung nais nating maging matagumpay ang ating resbak para pagbayarin ang mga imperyalista at oligarko, dapat itakwil ang mga maka-liberal at maka-burges na elemento mula sa hanay ng kaliwa.
Sa kasalukuyan, lubos na nahahati ang hanay ng kaliwa. Napakahalagang ayusin ang kaguluhang ito at makuha ang suporta ng masa. Kamakailan, nagtagisan para sa atensyon ng publiko ang mga Sosyal Demokrata ng AKBAYAN, mga Pambansang Demokrata ng BAYAN, at mga “sosyalista” ng Partido Lakas ng Masa sa kanilang tatlong magkakahiwalay na martsa bilang paggunita sa unang anibersaryo ng malawakang pagkilos laban sa korapsyon noong Setyembre 21. Hindi ito ang natatanging kampanyang politikal kung saan ang iba't ibang blokeng maka-kaliwa ay literal na “nagmartsa nang magkakahiwalay,” imbis na sama-samang bumira sa kalaban.
Dahil sa ating pagkakawatak-watak, sa paningin ng malawak na masa, nagmumukhang hindi seryoso at walang kakayahang rumesbak ang kilusang kaliwa sa Pilipinas. Ang kawalan ng pagkakaisa sa iba't ibang tendensi ng kaliwa—na kung minsan ay umaabot pa sa pisikal na bangayan—ay nagsisilbing masamang halimbawa. Ang sektaryanismo sa hanay ng kaliwa ay isang malaking balakid sa pagsulong ng anti-imperyalistang kilusang masa; hindi pa rito kabilang ang kalituhan sa loob mismo ng iba’t ibang organisasyon ng kaliwa kung susuportahan ba o hindi ang pakikibakang anti-imperyalista, lalo na pat paano ito isusulong. Sa kalaunan, tiyak na darating ang matinding martilyo ng panunupil ng estado! Kung hindi tayo matututong magkaisa laban sa iisang kaaway, dudurugin tayong ng hiwa-hiwalay.
Ang kailangan ay isang pakikibakang politikal sa loob ng hanay upang ilagay ang kilusan sa ibang landas. Dapat nang wakasan ang mentalidad at praktika ng atin-atin at kanya-kanya, pati na ang politikal na sensura sa loob ng kilusang kaliwa. Isang positibong hakbang para sa kaliwa ang pagbuo ng nagkakaisang hanay upang labanan ang Pax Silica—hindi lamang sa pagkakaisa sa pagkilos, kundi bilang pagsubok sa mga nagtutunggaliang programa sa pamamagitan ng mga talakayan at debateng may diwa ng pagkakapatiran. Simulan natin!

