QR Code
https://iclfi.org/pubs/tap/2026-trump

Hindi dapat parangalan ang Amerikanong “Warlord-in-Chief” na si Donald Trump sa kanyang pagdating sa Pilipinas—pero bakit sa pakiramdam ni Trump katanggap-tanggap ang kanyang presensiya rito? Heto ang apat na hakbang na iminumungkahi namin para iwasto ang ganitong sitwasyon:

1. Hindi sapat ang pagkontra kay Trump. Kailangan din nating bakahin ang mga Pilipinong nagbibigay-daan sa kanya.

Una sa lahat, kailangan ng pakikibaka laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Inilalatag ni BBM ang “red carpet” para kay Trump at nagpaplano ng malawakang operasyon ng pulisya para supilin ang mga nagpoprotesta. Kinakailangan ring kontrahin ang mga maka-kanang populista tulad nina Baste Duterte at Robin Padilla—na nagmamayayabang na ipinagtatanggol nila ang soberanya ng bansa, pero katatapos lang sila na makipag-“rock and roll” sa Davao kasama ang bagong ambassador ni Trump na si Lee Lipton. Ganoon din ang kaso para sa mga liberal na maka-U.S., tulad nina Leni Robredo at Senador BAM Aquino.

Bagaman binabatikos nitong mga Liberal, ng Tindig Pilipinas, at ng kanilang mga kasapakat na sosyal-demokratiko sa Akbayan Party ang korapsyon at kawalan ng pagkakapantay-pantay sa loob ng bansa, ibang usapan naman pagdating sa patakarang panlabas ni BBM—na kontra-China at pabor sa mga Zionista—pati na rin sa kanyang mga pakanang pangkaunlaran gaya ng Pax Silica, na nakabatay sa pambebenta ng bansa sa mga imperyalista. Sa totoo lang, ang mga “progresibo” na ito’y may oryentasyon maka-U.S. gaya ng administrasyong Marcos, at sumusuporta sa interes ng imperyalismong U.S.—mula sa South China Sea hanggang sa Okupadong Palestine. (Bukod pa rito, ang imperyalistang pang-aapi ang ugat ng kahirapan at pagka-atrasado ng bansang ito. Pero hindi maaasahang sumuportra ang mga liberal sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng sambayanan mula sa kuko ng imperyalismo; dahil dito, nagiging hungkag lamang ang lahat ng kanilang mga pahayag tungkol sa mga reporma sa loob ng bansa.)

Ang pagsuporta sa mga politikong maka-Amerikano ang nagpaparamdam kay Donald Trump na siya ay tunay na “welcome”. Kung gayon, bakit pa rin sinusuportahan ng mga lider ng kilusang protesta laban kay Trump ang mga pulitikong nabanggit? Bakit okey para sa pambansang pangulo ng BMP na si Atty. Luke Espiritu at sa dating Bayan Muna congressman Teddy Casiño na itaguyod si Leni Robredo—na nagnanais na magtagumpay si Marcos at manatiling maayos ang ugnayan sa Zionistang Israel (na, sa katunayan, ay isang importanteng supplier ng armas sa militar ng Pilipinas)? Kailangan ng isang politikal na pakikibaka sa loob ng kilusan para ibunyag ang mga sunud-sunuran sa U.S. at ang kanilang pakikipagkasundo sa mga interes ng imperyalismo. Kailangang pumili ang mga lider ng kilusan: kakampi ba sila sa mga liberal, o laban sila sa imperyalismong U.S.?

2. Tutulan ang Pagsalakay ni Trump laban sa China.

Ang pangunahing layunin ng administrasyong Trump ay pigilan ang pag-angat ng China upang mapanatili ang mahigpit na kapit ng imperyalismong U.S. sa mundo. Bilang isang neo-kolonya ng U.S. na nasa unahang larangan ng tunggaliang ito, ang Pilipinas ay may napakahalagang estratehikong papel para sa layuning ito. Gayunpaman, nakikisabay ang kilusang kaliwa sa Pilipinas sa kampanyang anti-China ni Trump. Ang suportang ito ang nagpaparamdam kay Trump na malugod siyang tinatanggap dito.

Ang pagturing sa China bilang katumbas ng U.S. ay isang pagsuko sa tunay na imperyalistang nang-aapi sa ating bansa. Hindi China ang pasimuno ng mga tariff war at armadong sigalot na nagdudulot ng pagkawasak sa ating ekonomiya. Hindi rin China ang nagtalaga ng mga tropa, maging mga missile panalakay na nagbabantang idawit ang sambayanan sa digmaan. Totoo, ang agresyon ng PRC sa South China Sea at ang pakikipagkasundo nito sa mga malupit na diktador tulad ni Rodrigo Duterte ay lubos na reaksyonaryo. Ngunit ito ay bunsod ng opensiba ng Amerika, mga alitang pangkalakalan, at ang pamamaligid ng militar ng Amerika sa China.

Ang pinakamahusay na paraan para mapa-urong ang mapang-api’t nasyonalistang mga patakaran ng Partido Komunista ng China ay ang ating pagtindig para sa isang anti-imperyalistang alyansa kasama ang mga manggagawa at magsasakang Chino. Ang pagpapalayas sa mga imperyalistang Amerikano mula Pilipinas ay para rin sa ikabubuti nila, dahil ang China ang pangunahing target ng Amerika. Dapat nating ipakita sa masa ng China na nasa kanilang interes na suportahan tayo sa pakikibakang ito. Nais ng masa ng China na ipagtanggol ang estadong itinatag ng kanilang rebolusyon, na nagpalayas sa mga imperyalista mula China at nagbigay-daan sa walang kapantay na pag-unlad ng ekonomiya. Hindi natin kailanman makukuha ang kanilang suporta maliban kung kakampi natin sila laban sa imperyalismo.

3. Kailangangang tugunan ng Kaliwa ang pang-ekonomiyang blackmail ni Marcos.

Kailangan ang sosyalistang perspektiba para umusad! Sinasabi ni Marcos na magbubunga ang Pax Silica ng trabaho at pag-asenso. Para sumang-ayon ang taumbayan sa pagpapalayas sa mga katutubo at magsasaka, pagkawasak ng kalikasan, at paglabag sa soberanya ng bansa, gumagamit si Marcos ng panggigipit at pangangatwirang na dapat tayong yumuko sa mga imperyalista—upang makahikayat ng dayuhang pamumuhunan at mapaunlad ang bansa.

Isang patibong para sa kaliwa na tanggapin ang balangkas ni Marcos. Kailangan natin ng solusyon na magbibigay ng trabaho at pag-unlad habang ipinagtatanggol ang karapatan ng mga magbubukid at katutubo, ang kalikasan at pambansang soberanya. Naghihirap ang Pilipinas at patuloy na hadlang sa ating pagsulong ang ilang siglo ng imperyalistang pandarambong.

Kailangan natin ng investment, kalakalan, at teknolohiya para umusad. Ngunit dapat itong mangyari sa mga kondisyong magbibigay-pakinabang sa masang anakpawis, sa halip na lumikha lamang ng gahiganteng tubo para sa mga imperyalista at magpayaman sa mga oligarko ng PCCI at Makati Business Club. Sa pamamagitan ng paglahok ng masa sa pakikibaka, maaari nating makuha ang pinakamainam na kondisyon mula sa mga dayuhang kapitalista. Totoong maaaring magbanta ang mga foreign investors na babawiin nila ang kanilang puhunan kung tayo ay lalaban. Subalit hindi tayo dapat mamuhay na parang mga alipin. Laban sa mga banta ng mga dayuhang mamumuhunan, maaari tayong umapila sa China para sa puhunan at teknolohiya. Ang pagtulong sa atin na kumawala sa tanikala ng mga Amerikano ay makatutulong din sa sariling pag-unlad ng ekonomiya ng China, at pagbasag nito sa pangungubkob ng Estados Unidos.

4. Restorasyon ng environment—dapat tustusan ng mga imperyalista at oligarko, hindi ng masang anakpawis.

Nagdulot ng matinding pinsala sa kalikasan ang imperyalistang pandarambong—mula sa pagbabago ng klima hanggang sa pagkuha ng mga mineral, labis na pangingisda, at ang paglihis at pagsasamantala sa tubig, enerhiya, at iba pang yaman para sa pagpapalakas ng kakayahang militar at industriyal ng Estados Unidos laban sa China. Ang mga imperyalista at oligarkong kumita mula sa pagkawasak na ito ay dapat pagbayarin para itama ang sitwasyon! Kailangang makibahagi ang masa sa pakikibaka para pwersahang singilin ang mga mapagsamantala.

Dahil iginagalang ng mga liberal at NGO ang karapatan sa kapitalistang pag-aari, tiyak na muling ipapataw ng kanilang solusyong environmentalista ang bigat ng pinsala sa balikat ng masang anakpawis—sa halip na sa mga oligarko at mga imperyalista. Hindi natin kailanman mahihikayat ang masang anakpawis sa pakikibaka kung ang kapalit nito ay ang kanilang pagdurusa. Kinakailangang putulin ang ating ugnayan sa mga burges na environmentalista. Kung matitiyak natin na ang pakikibakang ito ay laban sa mga imperyalista at mga oligarko, mapagkakaisa natin ang masa at masasalag ang mga pananalakay ng administrasyong Trump.


Bigyan natin ng wastong patnubay ang sigla at lakas ng kilusan. Kinakailangan ang isang tunggaliang politikal sa loob ng kilusan laban sa mga politikong maka-Amerikano at mga lider-manggagawa na nakikihanay sa interes ng imperyalismong U.S. at sumasayaw sa kumpas ng mga oligarko; sa gayon, magiging malinaw sa lahat na sina Trump at ang kanyang mga alipores ay hindi malugod na tinatanggap sa Pilipinas.