https://iclfi.org/pubs/tap/2026-akbayan-pax-silica
Ang pagbisita ni Presidente Donald Trump ng Estados Unidos ngayong buwan ay nagbunga ng pangamba na isusuko ng batbat-sa-krisis na gobyerno ni Bongbong Marcos ang ilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, kabilang ang kontrol sa yamang mineral ng bansa, sa isang desperadong alok bilang kapalit ng pamumuhunan at ayudang pangkaunlaran mula sa U.S. Noong nakaraang Hulyo, inanunsyo ni Marcos na umanib ang kanyang gobyerno sa Pax Silica, ang inisyatiba na pinamumunuan ng U.S. upang talunin ang nangungunang posisyon ng China sa pandaigdigang supply chain para sa mga semiconductor at artificial intelligence. Ang pagbubunyag ng kahilingan ni Trump para sa karapatang extra-territorial sa isang 1,620-ektaryang punong proyekto sa Gitnang Luzon ang umani ng sunod-sunod na batikos at protesta mula sa media, mga simbahan, at mga grupong pangkalikasan.
Sa Tarlac, Nagtipon ang mga maliliit na magsasaka at katutubong Ayta para kondenahin ang plano ng gobyerno na agawin ang kanilang mga bukid at mga tradisyonal na lupang-tahanan, habang nagkaroon naman ng sagupaan sa pagitan ng mga nagpoprotesta laban sa Pax Silica at ng mga pulis sa eksklusibong distrito ng Bonifacio Global City. Dahil nakataya rito kapwa ang pambansang patrimonya at ang karapatan ng mga katutubong Ayta, aakalain ng sinuman na ang isang matagal nang partidong tulad ng AKBAYAN—na dati’y nakikipagtuos din sa pulisya at nagbansag sa sarili bilang partido ng sosyalistang pamamahala—ay kikilos upang tipunin ang masa at labanan ang imperyalismo. Kung gayon, bakit hindi tumindig ang AKBAYAN laban sa Pax Silica?
Nanahimik sa EDCA, Nanahimik sa Pax Silica
Ang Pax Silica ay ang pandaigdigang alyansa para palakasin ang hegemonya ng U.S. sa supply chain ng AI, semiconductors, kritikal na mineral at abanteng pagmamanupaktura. Mahalaga ito sa pagpapalakas ng militar at industriya ng U.S. laban sa China. Sina Senador Risa Hontiveros, Pangulo ng Partido Rafaela David at lider-manggagawa na si Josua Mata ay kabilang sa mga pinaka-vocal sa kanilang pagbatikos sa China (na wala namang presensyang militar sa loob ng mga hangganan ng teritoryo ng Pilipinas). Ang bansa na mayroong 700 base sa buong mundo, kabilang ang siyam na EDCA sites sa Pilipinas? Walang iba kundi ang Estados Unidos!
Hinihiling ba ng AKBAYAN ang pagtatapos ng pag-access ng Amerika sa mga baseng ito o ang agarang pagpapawalang-bisa ng mga Visiting Forces Agreement sa Japan at Australia, na parehong kasapi ng Pax Silica? Nakakabingi ang kanilang pananahimik. Sa pamumuno nina Risa, Paeng at Josua, ang AKBAYAN ay kumikilos bilang instrumento ng patakaran ng U.S. dito sa Pilipinas. Si Paeng ba, co-convener ng Atin Ito, ay nagprotesta nang maglagay ang U.S. ng mga Typhon missile system sa Pilipinas? Aasahan mo iyan mula sa mga lider na ipinagmamalaki ang kanilang sarili bilang mga dakilang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa rehiyon. Sa halip, si Paeng at iba pang mga lider ng AKBAYAN ay naging abala para maikubli ang pagposisyon ng mga missile sa tulong ng isang live na konsiyerto na streaming mula sa Atin Ito flotilla na naglalayag sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan!
Kung itinuturing mo, mahal na tagabasa, ang iyong sarili bilang tunay na sosyalistang kahanay ng AKBAYAN, kumilos ka na ngayon. Ang iyong tungkulin ay hindi ang pangalagaan ang alyansang militar ng U.S. at Pilipinas, kundi ang ipagtanggol ang taumbayan laban sa mga plano ng Estados Unidos na gawing kuta ng militar ang bansa. Pigilan ang mga maka-U.S. na lider ng partido sa pagyurak sa bandila ng sosyalismo sa pamamagitan ng pagkaladkad ng AKBAYAN sa mga layunin ng U.S. para lamang mapabuti ni Risa Hontiveros o ng mga miyembro ng party list ticket ang kanilang kapalaran sa eleksyon sa 2028. Kung hindi ka lalaban sa imperyalistang pang-aalipin, hindi mo kailanman makukuha ang suporta ng masang inaapi.
Baguhin ang Oryentasyon ng Partido, Labanan ang Imperyalismong Amerikano!
Pinagbibigyan ng mga lider ng AKBAYAN ang blackmail ni Marcos, ng nasa liberal na establisyimento at ng mga NGO na pinondohan ng Kanluran na kinakailangan nating sumunod sa tuntunin ng dayuhang puhunang pampinansya para raw makalikha ng trabaho at isulong ang kaunlaran. Bakit, may maniniwala pa kay Marcos o sa mga liberal? Ang estratehiya ng pagpapahintulot sa walang habas na pagpasok ng mga imperyalista sa mga estratehikong sektor ng ekonomiya pati ang pagpapahaba sa listahan ng mga benepisyo ng mga kapitalistang oligarko ay humantong na sa kasalukuyang kapahamakan.
Ang pagkansela sa utang panlabas at pag-urong sa deregulasyon ng industriyang petrolyo at sektor ng elektrisidad ay maaaring maging mga unang hakbang natin tungo sa pambansang industriyalisasyon. Ngunit nais ng pamunuan ng Partido AKBAYAN na manatiling kagalang-galang sa mga NGO at funding partners (hello Friedrich Ebert Stiftung) na nauugnay sa elitistang Makati Business Club at mga imperyalista, kaya habang maaaring magbigay ng isa o dalawang puna sina Risa o Paeng, susundin lamang nila ang mga patakaran ng status quo at hindi mangangahas na hamunin ang Pax Silica o pribatisasyon higit sa kanilang gawaing mag-apila ng hearing sa Kongreso. Ang kasalukuyang liderato ng AKBAYAN at ang mga kinatawan nito sa Party List sa Kongreso ay gumagawa lamang ng engrandeng pagtatangka na repormahin ang pinakamatinding kalabisan habang pinoprotektahan nila ang sistema. Hangga't hindi lumalaban ang AKBAYAN para palayasin ang mga imperyalista at oligarko, lahat ng mga programang panlipunan at mga inisyatibang pangkomunidad na itinatag at pinaggugugulan ng mga kahanay ay mawawalan ng saysay.
Nakakaengganyo ang balita na ang mga kasama sa Akbayan Youth Cavite provincial chapter ay nangunguna at nagsasagawa ng kampanya sa loob ng kabataan na makabig ang iba pang kahanay para labanan ang Pax Silica. Kailangang isulong ng mga sosyalista ng AKBAYAN ang isang radikal na reoryentasyon ng partido, organisasyon ng kabataan at mga kahanay sa paggawa. Bagong estratehiya ang kinakailangan para maitayo ang isang kilusang anti-imperyalista na may kakayahang pukawin ang sambayanan at ilagay ang mga conglomerate sa ilalim ng kontrol ng manggagawa para ang yaman ay mapapakinabangan ng masa sa halip na busugin lamang ang mga ultra-bilyonaryo tulad ni Ramon Ang ng San Miguel Corp., mga Ayalas, mga Sy-blings atbp. pati ang kanilang mga dayuhang kasosyo sa negosyo.
Padayon tungo sa Pamumunong Sosyalista’t Anakpawis!
Ang kilusang masa na kontra korapsyon na bumangga sa oligarkiyang Marcos/Duterte noong nakaraang taon ay napigilan, nahati, at pagkatapos ay naglaho, hindi lamang sa dahilang ang liderato ng Partido AKBAYAN, kundi pati na rin ang kanilang mga katapat sa mga NatDem, Partido Lakas ng Masa, at iba pang mga tendensiya ay nalulong sa pakiki-ulayaw sa mga heneral, pulitiko, kardinal, negosyante, at kung sinu-sino pa, na wala rin namang balak pabagsakin ang rehimen.
Kung ang sosyalistang kaliwa ang mangunguna sa paglunsad ng isang independiyenteng pakikibaka laban sa rehimen ni Marcos, sa kanyang liberal na tagasuporta at sa mga padrinong imperyalista, sila ay magsisilbing batubalani ng mga adhikain ng masa, kabilang ang mga manggagawa at maralitang tagalungsod na base ng suporta ng maka-Kanang oposisyong Dutertista. Ang kulang lamang ay isang matalas na pampulitikang pakikipagtunggali sa loob ng AKBAYAN (at iba pang makakaliwa at sosyalistang tendensya) laban sa mga elementong isinampay ang kanilang sarili sa mga burges na liberal at sa kanilang mga kunsintidor, na nag-aakalang maaaring asahan ang maniobrahan sa Kongreso para magapi ang mga imperyalista.
Upang matamo ang impluwensya at awtoridad sa politika sa hanay ng mga inaapi, dapat nating ipakita na tanging mga anti-imperyalista na may sosyalistang oryentasyon ang may solusyon para makamit ang pambansa, panlipunan, at demokratikong mithiin ng masang manggagawa, magsasaka, kababaihan, at iba pang inaapi. Nangangailangan ito ng pakikibaka laban sa mga ilusyon ng masa sa alinman sa mga nagbabangayang paksyon ng mabangis na oligarkiya ng Pilipinas, maging ito ay ang dinastiyang Marcos na sinusuportahan ng mga imperyalista, ang mga burgis liberal na lady boss tulad ni Leni Robredo na maka-U.S., o ang reaksyunaryong angkan sa politika ni Duterte (na pinapopogi na bilang reserbang kabayo ng imperyalismong U.S. ni Lee Lipton, sugo ni Trump).
Isang sosyalista pamunuan na nakatuon sa uring manggagawa ang kailangan kung nais nating magtagumpay. Nananawagan kami sa lahat ng sosyalista, lalo na sa kaliwang kawing ng AKBAYAN na suportahan ang laban para maitayo ang pamunuang ito.

