QR Code
https://iclfi.org/pubs/tap/2026-mayo-uno

Ngayong Araw ng Manggagawa, nananawagan ang Spartacist Group Pilipinas sa masa ng manggagawa, mag-aaral, magbubukid, at maralitang tagalungsod na bumaha sa mga kalye at plaza sa buong bansa sa protesta kontra sa pandarambong ng Imperyong Estados Unidos at ng mga maka-sariling pangkating burges at maka-U.S. na pulitiko. Hinihingi ng panahon ang pagtatanggol sa masa ng sambayanan. Ang unang hakbang ay ang tipunin para sa Mayo Uno ang lahat ng partido ng kaliwa, mga unyon ng manggagawa, ang mga komiteng bayan at organisasyon ng masang api sa lilim ng pulang bandila ng isang Blokeng Anti-Imperyalista.

Ang kasalukuyang digmaan ni U.S. President Donald Trump laban sa Iran ay naghatid ng sukdulang pagyanig sa ekonomiya sa Pilipinas at Timog Silangang Asya. Sa kabila ng kapahamakan na dala ng pandadaluhong ni Trump, pinayagan pa rin ng rehimeng Marcos ang mahigit 17,000 U.S. at mga kaalyadong tropa kasama ang mga missile forces na makapasok sa bansa, na nagtulak sa Pilipinas na palapit sa armadong komprontasyon sa China dahil sa Taiwan at South China Sea. Sa pagtindi ng presyur sa base ng lipunan, ang gobyerno tuta ng Kano ni Ferdinand Marcos Jr. ay naglulunsad ng mga mapanupil na hakbang tulad ng Safer Cities initiative, na naka-umang sa mga kabataan, manggagawa at maralitang tagalungsod. Katulad ng war on drugs at pandemic curfew ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ipinapakita ng mga hakbang sa pampublikong seguridad kung gaano kabuway ang suporta ng rehimeng Marcos sa malaking bahagi ng populasyon.

Tinatangay ang bayan papuntang pambansang kapahamakan ng nakamamatay na kumbinasyon ng mga giyera ng U.S., ang pabulusok na pihit ng ekonomiya, at ang pagsapit ng isang super El Niño. Susi ngayon ang pagkilos ng mga sosyalista para maipuwesto ang masa ng sambayanan sa mas matatag na katayuan para maka-resbak at ipagtanggol ang sarili sa mga imperyalistang U.S. at sa naghaharing burges na oligarkiya! Aming hinihikayat ang mga makakaliwang militante at unyonistang manggagawa na kaanib sa mga Pambansang Demokratiko ng BAYAN, ng Partido Lakas ng Masa, Kilusan para sa Pambansang Demokrasya, SOCIALISTA, at iba pa sa Marxistang kaliwa na magkaisang-hanay sa Mayo Uno at magmartsa sa lilim ng pulang bandila ng Anti-Imperyalistang Bloke ng Masang manggagawa at inaapi.

Kasunod ng pagbagsak ng kilusang anti-korapsyon noong Disyembre 2025, hindi naging matagumpay ang lider ng kaliwa at kilusang manggagawa na makahatak ng malawak na suporta para sa mga protesta laban sa pagtaas ng presyo ng petrolyo at imperyalistang digmaan. Ang kabiguan na ito ay bunga ng pagkawala ng kanilang kredibilidad sa hanay ng masa, nang muling ilapat ng mga lider ng kaliwa’t organisadong paggawa ang estratehiyang “People Power” sa pakikibaka laban sa mga oligarkong Marcos/Duterte. Sa halip na pakilusin ang masang manggagawa, estudyante at maralita sa pakikibaka para sa kapangyarihan, tumulong pa ang mga makakaliwang personalidad tulad ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño at si Atty. Luke Espiritu para pahupain ang lumalalang sitwasyong pampulitika. Para siguraduhin na ang kilusang anti-korapsyon ay hindi makapaminsala, kanilang iginapos ang kilusan sa mga konserbatibong pwersang panlipunan at maka-U.S. tulad ng mga pinuno ng Simbahan, mga heneral at mga burges na liberal na politiko, na bawat isa sa kanila ay nakaktuntong ang isang paa sa kampo ni Marcos.

Tama Na! Hindi na maaaring ma-ulit ang ganitong kabiguan. Sawa na tayo sa mga pagkatalo. Sa Mayo Uno, kailangan nating matipon ang masa sa hanay ng Anti-Imperyalistang Oposisyon. Bilang unang mga hakbang sa pagbuo ng oposisyong ito, iminumungkahi ng mga Spartacist:

Patalsikin mula sa ating hanay ang mga pulitikong liberal burges at mga kunsintidor nila! Alam ng lahat na ang mga liberal at ang kanilang mga alipores ay hindi lalaban sa mga imperyalistang U.S. Ang pagsuko sa mga liberal ay humantong sa pagkatalo ng rebolusyonaryong bugso na sinindihan ng Aklas Sambayanang Pebrero 1986 sa EDSA. Kung sa Mayo Uno, ipagpipilitan ng mga pulitikong sina Sen. Risa Hontiveros, Sonny Matula ng FFW, at Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando na sila ay nasa panig ng masang anakpawis dapat nilang itaas ang bandila ng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at igiit ang ganap, lubos, at kagyat na pagbuwag ng alyansang militar sa pagitan ng U.S. at Pilipinas.

Sa kabilang banda, habang nagbibitiw ng nakakapukaw na salita laban sa U.S. ang mga makakaliwang personahe tulad nina ACT Rep. Antonio Tinio at Rep. Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party, sinusuyo rin nila ang mga liberal ng Trillion Peso March Movement na layunin ang mapanatili sa kapangyarihan ang maka-U.S. na rehimeng Marcos. Wala itong patutunguhan kundi ang pag-kural ng militansya ng masa sa hangganang katanggap-tanggap sa naghaharing uri.

Ang matagal nang pakikipagsosyong ito sa mga liberal ay naging sanhi ng pagkawala ng kredibilidad ng kaliwa sa hanay ng masa, na dumaragsa sa maka-kanang Bise Presidente Sara Duterte, mga populista ng Gen Z tulad ni CongressMeow Barzaga, at ng mga pwersang MAISUG dahil sila lang ang nakikitang naninindigan para sa pambansang dignidad at tumututol sa tiwaling establisyimentong pampulitika sa ilalim ni Marcos. Kailangan mahatak ang mga tagasuporta ng MAISUG mula sa mga kinatawan ng kaaway na uri tulad nina Duterte at Barzaga.

Dapat makibahagi ang mga unyon sa pakikibaka ng lahat ng inaapi! Nananawagan kami sa kaliwa na ang kilusang manggagawa ang gawing pangunahing puwersa ng ating mobilisasyon sa May Uno at ng iba pang pakikibaka. Bilang mga Marxista at komunista, kailangan nating magtungo sa mga manggagawa at sila’y kabigin sa pakikibakang anti-imperyalista. Ang pakikibaka ng unyon sa Mayo Uno ay hindi uusad batay sa ekonomismo na isinusulong ng mga pinuno ng National Wages Coalition. Ang pakikibaka ng kilusang manggagawa ay hindi dapat maipit sa makitid na isyu ng kabuhayan o matali sa mga usapin nakatuon sa kanya-kanyang sulok ng industriya.

Hindi natin maaaring ihiwalay ang mga isyung bigas-at-isda sa mas malaking usapin ng digmaan ng U.S. sa Iran o kontrol ng U.S. sa ekonomiya ng Pilipinas. Ang pakikipaglaban para sa isang nakabubuhay na sahod, mas magandang kalagayan sa pamumuhay at pambansang kaunlaran ay nangangailangan ng pakikibaka laban sa mga imperyalista at sa gobyerno na nagpapatupad ng neokolonyal na pang-aalipin. Ang mga manggagawa ay may kapangyarihang panlipunan para tuluyang pahintuin ang ekonomiya at agawin ang mga konsesyon mula sa mga dayuhang kapitalistang mananalapi at kanilang mga kasosyong oligarko.

Para sumulong ang pakikibaka, kailangan nating lumaban bilang mga komunista kontra sa mga umiiral na mga lider paggawa tulad nina Sonny Matula ng FFW, Raymond Democrito Mendoza ng TUCP at Josua Mata ng SENTRO at ilantad sa buong kasapian ang kanilang kaugnayan sa mga imperyalistang mapagsamantala.

Pangimbabawan ang sektaryanismo sa kaliwa.Mas maliit na ngayon ang impluwensya ng mga Marxista sa Pilipinas kaysa noong 1986-1987, nang ang Aklas Sambayanang EDSA ay humantong sa isang maikling panahon ng mga rebolusyonaryong oportunidad. Bilang mga Marxista, hindi natin maaaring balewalain na ang kaliwa sa lahat ng dako ay mas maliit, nakahiwalay at biyak-biyak. Mahalagang madaig natin ang sektaryanismo. Dapat magkaroon ang mga sosyalista at makakaliwang tendensya ng pagkakataon para sa talakayan bilang mga kasama at sa pakikipag-debate sa mga usapin ng estratehiya. Kailangan nating maunawaan kung paano tayo nakarating sa sitwasyong ito at kung paano tayo makakabwelta.

Sa papalalim na krisis sa lipunan, tiyak na hihigpitan ni Marcos ang mga turnilyo ng pampulitikang panunupil sa bansang ito. Bilang mga Marxista, hindi namin maaaring kondenahin ang mga inaapi na nagtatanggol sa kanilang sarili, sa anumang kinakailangang paraan, laban sa mga panggagahis ng burges na oligarkiya. Nananawagan kami ng katarungan para sa Negros 19, pamilyang Alfad at iba pang biktima ng gobyerno na tuta ng U.S. Ang kaliwa ay kailangang makiisa sa mga tinatarget ng panunupil ng estado, sa kabila ng ating mga hindi pagkakasundo sa estratehiya at programa. Kung hindi tayo maninindigan ng sama-sama sa tanggulan, hiwa-hiwalay tayong sisimutin sa kangkungan.

Taliwas sa pinagtatalunan ng maraming makakaliwa, hindi kakulangan ng militansya ang problema. Wastong estratehiya ang kinakailangan para hindi naaaksaya ang militansya. Ang kasalukuyang kakulangan ay ang pakikitunggaling pulitikal sa mga elemento sa kaliwa at kilusang manggagawa na gustong ikadena sa imperyalismo ang pakikibaka at organisasyon ng masa.

Upang makakuha ng impluwensyang pampulitika at awtoridad sa hanay ng mga inaapi, kailangan nating ipakita na tanging ang mga Marxista lamang ang makapagbibigay ng mga solusyon para makamit ang nagbabagang pambansa, demokratiko at panlipunang aspirasyon ng masang manggagawa, magsasaka at iba pang inaapi. Nangangailangan ito ng pakikibaka laban sa mga ilusyon ng masa sa mga nagkukumpetensiyang paksyon ng marahas na oligarkiya sa Pilipinas, maging iyon man ay ang dinastiyang Marcos na suportado ng mga imperyalista, ang reaksyunaryong angkang pampulitika ni Duterte, o ang mga burges na liberal na mga lady boss tulad ng maka-U.S. na si Leni Robredo at Zionist-friendly na si Joy Belmonte.

Bilang mga Spartacist, ang aming perspektiba ay magpundar para sa political realignment ng kaliwa, dito at sa ibang bansa. Hinahangad nating muling makasama ang mga tunay na rebolusyonaryong elemento na ngayo’y kalat-kalat sa iba’t ibang organisasyon dulot ng pagkakataon o kawalan ng linaw sa pulitika.

Sa Araw ng Mayo Uno, magsanib-puwersa tayo at magpakilos sa pinakamaraming bilang sa hanay ng Anti-Imperyalistang Bloke ng Masa. Ang pagpapakita ng lakas at katapangan ay magbibigay-inspirasyon sa mga manggagawa, estudyante, magsasaka, maralitang taga-lungsod at iba pang aping saray na humanay sa likod ng mga pulang bandila ng ating mga anti-imperyalistang balangay. Mapapabangon nito ang mga inaapi, tutulong sa polarisasyon ng bansa sa linyahang maka-uri at gagawing mahirap para sa mga amo at reaksyonaryong pwersa na pahinain ang ating kilusan.

Sama-Sama sa Anti-Imperyalistang Bloke ng Masa!