QR Code
https://iclfi.org/pubs/tap/1/kontra-trump

Mga Manggagawa! Mga Kasama! Mga Kababayan!

Isang matinding banta sa sambayanang Pilipino ang administrasyong Trump. Patitindihin ng mga bagong taripa ni Trump ang imperyalistang pananakmal sa mga industriya at sa kabuhayan ng masang pinapahirapan ng mataas na buwis para mabayaran ang utang at mataas na presyo ng imported na pagkain at petrolyo. Habang ibinubwelta sa hyperdrive ang opensibang anti-China ni Trump, tinutulak ng lumalaking presensya militar ng U.S. sa Pilipinas ang bansa palapit sa isang madugong komprontasyon sa Beijing sa bandang Taiwan at South China Sea.

Ngayong nakataya ang pagtatanggol sa bayan wala ni isa sa mga kandidato ng kaliwa at paggawa na tumatakbo sa eleksyong 2025 ang naghahayag ng kanilang pagtutol sa imperyalismong U.S. Sa halip, tinalikuran ng mga kandidato ng kaliwa at mga unyon gaya ng Akbayan, Makabayan, FFW at PLM ang anti-imperyalistang pakikibaka para pagapang na makihanay sa lubos na maka-U.S. na liberal na oposisyong anti-Duterte. Ang estratehiya ng oposisyong ito ay umapela sa gobyernong Marcos na tuta ng mga Amerikano at sa International Criminal Court na kontrolado ng mga imperyalista para supilin ang mga populistang Dutertista, at ipamalas na kinukulang ang oposisyong Dutertista sa pagbigay-suporta sa kampanya ni Trump para sakalin ang China. Ang ugnayan ng kaliwa at oposisyong liberal ay kasiraang-ngalan ng kaliwa sa mata ng masa, na punung-puno na sa imperyalistang pangingikil na pinangangasiwaan ng rehimeng Marcos at ng mga katuwang nitong mga blokeng liberal. Lumalawak ang suporta para sa reaksyonaryong oposisyong Dutertista dahil pinapalitaw na sila lamang ang seryosong kumakalaban sa pang-aalipusta at pagpapahirap sa bayan.

Mga Kagyat na Tungkulin at Plataporma

Mahigpit ang pangangailangan na mapakilos ang uring manggagawa para pamunuan ang pakikibaka laban kay Trump at sa lahat ng paksyon ng burgesyang Pilipino. Ang kawalan ng isang independiyenteng sandigan ng uring manggagawa ay magbubunga ng pambansang kapahamakan. Ngayo’y sinusupil ng gobyernong Marcos ang ating mga demokratikong karapatan sa ngalan ng pagsugpo sa bantang Dutertista. Kung pabagsakin naman ng mga Dutertista ang rehimeng Marcos, ihahalili lang nila ang isang mas malupit na kaayusang neokolonyal. Anuman ang resulta, mapipilayan ang abilidad ng masa na salagin ang opensiba ng administrasyong Trump.

Dapat magtunggalian sa loob ng kaliwa at kilusang manggagawa para itakwil ang mga liberal at kanilang mga kunsintidor, at i-porma ang militanteng oposisyong kontra-Trump na may programa para sa pambansang pagpapalaya. Iminumungkahi namin ang sumusunod na plataporma bilang saligan ng oposisyong ito:

  • Para sa pambansang pagpapalaya! Buwagin ang alyansa ng U.S.-Pilipinas! EDCA at VFA durugin! U.S. troops layas!
  • Radikal na repormang agraryo ngayon din!Mga komite ng magsasaka, itayo! Sakupin ang mga lupaing pag-aari ng mga oligarko at mga panginoong neokolonyal!
  • Para sa pambansang industriyalisasyon! Expropriyasyon ng mga imperyalista at ng Top 10 Bilyonaryo ng Pilipinas! Kanselahin ang utang sa mga imperyalista!

Kung sumasang-ayon kayo sa mga ideyang ito, kumilos! Palaganapin at talakayin ang pahayag na ito sa inyong partido, unyon o organisasyong masa! Hamunin ang inyong mga kandidato na buuin ang oposisyong anti-imperyalista ng manggagawa NGAYON!

Ipaglaban ang uri! Ipagtanggol ang bayan! Magsanib pwersa tayo!

Contact us at: 𝕏 SpartacistPH • Facebook: SpartacistGroupPilipinas • sgpil@proton.me