QR Code
https://iclfi.org/pubs/icl-tl/2022-ukraine

Aming nilalathala rito ang pagsasalin ng suplemento ng Spartacist na inilabas noong Pebrero 27 ng Liga Komunista Internasyonal (Pang-Apat na Internasyonalista).

Ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine ay pinasiklab ng dekadang pagpapalawak ng NATO at European Union sa pamumuno ng U.S. Matapos i-makina ang kapitalistang kontra-rebolusyon na dumurog sa USSR, nagpalawak pa-silangan hanggang sa mismong mga hangganan ng Russia ang mga kapangyarihang imperyalista, dala-dala ang pandarambong, alitang etniko at ­kahihiyan. Nagngangalit ngayon ang mga imperyalistang Kanluranin laban sa “digmaang agresyon” ng Russia at sa paglabag nito sa soberanya ng Ukraine. Ang mga bandidong ito na nanloob sa mga manggagawa sa mundo ay walang pakialam sa mga pambansang karapatan ng Ukraine. Ang totoong ikinagagalit nila ay ang paghahamon ng Russia sa kanilang mga eksklusibong karapatan na dambungin ang Silangang Europa pati na rin sa hegemonya ng U.S. sa rehiyon. Ang walang katapusang siklo ng krisis at digmaan ay dapat supilin sa pinagmumulan nito, sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon sa mga sentrong imperyalista. Para sa proletaryong rebolusyon sa U.S.! Para sa Soviet na Estados Unidos ng Europa, pinag-isa sa boluntaryong batayan!

Iisa lamang ang progresibong landas na pasulong sa digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia: ang gawing digmaang sibil itong giyera sa pagitan ng dalawang kapitalistang uri na kung saan ibabagsak ng mga manggagawa ang parehong kapitalistang uri. Nananawagan kami sa mga kawal at manggagawa ng Ukraine at Russia: Makipagkapatiran! Ibwelta ang armas laban sa inyong mga tagapagsamantala!

Simula’t sapul tungkol ang digmaang ito sa kung kaninong saklaw ng impluwensya mapapasailalim ang Ukraine, at ang tagumpay ng alinman sa hukbong militar ng Russia o Ukraine ay maaari lamang humantong sa higit na pang-aapi. Ang gobyernong Ukrainian ay lumalaban hindi para palayain ang Ukraine kundi para lalong alipinin ito ng mga imperyalistang kapangyarihang NATO/EU, kung saan ito’y nakagapos mula noong kudeta ng 2014 na suportado ng U.S. Ang tagumpay nito ay magdaragdag rin sa pang-aapi ng minoryang Ruso sa Ukraine. Sa kabilang panig, ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine ay naglalayong palitan lamang ang imperyalistang bota ng latigo ng Russia. Ang lehitimong pambansang pakikibaka para sa sariling pamamahala sa Donetsk at Luhansk ay nakatali na ngayon sa mas malawak na reaksyunaryong layuning-digma ng Russia. Rebolusyon sa Ukraine at Russia ang maglulutas sa pambansang suliranin, pupuksa sa mga oligarko at magbibigay inspirasyon sa mga manggagawa ng buong daigdig na mag-alsa laban sa sarili nilang mga tagapagsamantala.

Ang pagkaroon ng rebolusyonaryong resulta sa kasalukuyang digmaan ay kinakailangan at maaaring mangyari. Noong 1917, ang mga sambayanang manggagawang Ruso at Ukrainian ay ginamit din bilang pambala sa kanyon ng kanilang mga tagapag­hari. Winakasan nila ito sa pamamagitan ng pagbaril sa kanilang mga pinuno at pagsama sa mga manggagawang insurekto sa ­ilalim ng pamunuan ng mga Bolshevik para itumba ang kanilang kaparehong nagsasamantala—ang mga kapitalista at panginoong maylupa—sa pinakadakilang rebolusyon sa daigdig. Para sa mga bagong Rebolusyong Oktubre sa Russia at Ukraine!

Ang mundong kapitalista ay sinalanta na ng dalawang taon ng krisis bunsod ng pandemya. Ang mga lockdown, kawalan ng hanap­buhay, speedup sa trabaho, pagtaas ng presyo at pagbagsak ng pangangalagang medikal ang realidad para sa mga mang­gagawa sa buong mundo. Ang kasalukuyang giyera ay maaari lamang magpabilis ng pagwasak sa pamantayan ng pamumuhay ng mga manggagawa at magpatalas sa mga maka-uring antagonismo. Tungkulin ng mga rebolusyonaryo na ibaling ang namumuong galit mula sa kalalim-laliman ng mga lipunang kapitalista tungo sa natatanging solusyon sa giyera, kahirapan, at pagsasamantala: ang pagtatag ng pandaigdigang pamamahala ng mga mangagawa.

Malinaw na inilantad ng pandemya ang ganap na pagkabangkarote ng mga kasalukuyang lider ng kilusang obrero. Habang binabayo ng parehong virus at mga kapitalistang pag-atake ang uring manggagawa, itong mga taksil sa uri—mga sosyal demokrata, Stalinista at mga burukrata ng unyon—ay lubos pang pumapanig sa mga amo, humihiling ng higit pang lockdown at higit pang sakripisyo. Ang mismong mga manlilinlang na ito, partikular sa mga sentrong imperyalista, ang kasalukuyang nagtitipon sa mga manggagawa para sa layunin ng U.S. at mga kaalyado nito, nangangako ng walang-kamatayang katapatan sa NATO at EU at humihiling na ang Russia ay parusahan hanggang sa pagkagutom. Tama na ang pagtataksil! Dapat tutulan ng mga manggagawa ang mga sanction at ang pagbigay tulong pangmilitar sa Ukraine! Para makibaka laban sa imperyalistang pandarambong sa ibang bansa at mga pag-atake sa pamantayan ng pamumuhay sa sariling bayan, dapat bumaklas ang uring manggagawa sa kasalukuyang liderato nito. Kinakailangan ang bago at rebolusyonaryong pamunuan para gampanan ang makasaysayang papel nito bilang tagapaglibing ng kapitalismo. Muling pandayin ang Ika-Apat na Internasyonal!

Mga “Sosyalistang” Tagasunod ng Imperyalismo

Ang paunang kondisyon sa pagbuo ng isang tunay na rebolusyonaryong oposisyon sa imperyalismo at digmaan ay ang puspusang pakikibaka laban sa mga pekeng-Trotskyista, Stalinista at Maoista na gumagamit ng mga pasipista at “anti-imperyalista” na islogan upang takpan ang kanilang lubos na pagpapasakop sa sarili nilang mga imperyalistang amo at pambansang burgesya. Katulad ng mga oportunista na sinong pinagbabalaan ni Lenin noong Unang Digmaang Pandaigdig, “Sa pamamagitan ng malinaw na sopisteriya, inaalisan ng buhay na diwang rebolusyonaryo ang Marxismo; ang lahat ay kinikilala sa Marxismo maliban sa mga rebolusyonaryong pamamaraan ng pakikibaka, ang propaganda at paghahanda ng mga pamamaraang iyon, at ang eduka­syon ng masa sa direksyong ito” (Socialism and War [Sosyalismo at Digmaan] [1915]). Narito ang mga pangunahing panlilinlang na itinutulak ng mga oportunista ngayon:

  • “Kontra sa giyera sa Ukraine.” Ang islogang ito, na itinaas sa buong kaliwa, ay isang pasipistang panlalansi, para malinlang ang taumbayan na maaaring magkaroon ng makatarungang kasunduan sa digmaan kahit walang rebolusyonaryong pakikibaka. Walang ceasefire o kasunduan pangkapayapaan sa pagitan ng mga kapitalistang tulisan ang tutugon sa mga sanhi ng digmaan. Anumang kasunduan ay tiyak na ididirekta laban sa mga manggagawa sa Russia at Ukraine at magiging paghahanda lamang sa susunod na madugong labanan. Ang sinumang nagnanais ng pangmatagalan at demokratikong kapayapaan ay dapat makibaka upang gawing mga digmaang sibil laban sa mga burgesyang Ruso at Ukrainian ang kasalukuyang giyerang kapitalista at palawigin ang rebolusyon sa mga imperyalistang bansa.

  • “Tropang Ruso layas mula sa Ukraine” (itinaas, halimbawa, ng Committee for a Workers’ International). Ito ang islogan ng NATO at maaari lamang mangahulugan ng tagumpay para sa gobyernong Ukrainian. Ang mga naghain ng islogang ito sa U.S., Britanya, Pransya o Alemanya ay nananawagan hindi para sa kalayaan ng mga manggagawang Ukrainian kundi para sa kalayaan ng sarili nilang mga imperyalistang tagapaghari na mandambong sa Ukraine.

  • “NATO ibagsak!” Ito ay isang kinakailangang islogan, ngunit pag itinaas nang walang pagsalungat sa pang-ekonomiyang kadikit ng NATO, ang EU, ito ay bumubuo lamang ng mga ilusyon sa posibilidad ng imperyalismo na walang militarismo. Ang “mapayapang” pang-ekonomiyang pandarambong ng kapital sa pananalapi ang naglalatag ng basehan para sa giyera. Ang EU at euro ay mga kasangkapan para sa pandarambong na ito. Walang iba kundi bastos na sosyal-sobinismo ang itanghal ang EU sa pamumunong Pranko/Aleman bilang maamo at bukod sa “militaristic” na NATO sa pamumuno ng Amerika. Ang Lutte Ouvrière, halimbawa, ay tumutuligsa sa NATO habang dumadaing na ang Ukraine ay pinagkaitan ng pagsapi sa EU at “ilang mga pakinabang na maaaring makuha mula rito” (22 Pebrero). Kagila-gilalas na pagsuko sa imperyalismong Pranses! Tanungin ang mga manggagawa ng Europa: Walang dinadala ang EU kundi ang pang-ekonomiyang pananakal at pambansang panlulupig.

  • “Laban sa imperyalismong Ruso” (ang posisyon ng Marxistisch-­Leninistische Partei Deutschlands, bukod sa marami pang iba). Ang pagpupursige laban sa “imperyalismong Ruso” ay nagsisilbing panakip sa mga krimen ng sariling mga imperyalistang amo, nakapanlilinlang sa mga manggagawa kung sino talaga ang pangunahing kaaway. Ang daigdig ay pinaghaharian mula sa mga sentro ng puhunang pinansyal sa New York, Frankfurt, Paris, London at Tokyo, hindi sa Moscow. Bagama’t tadtad ng reaksyunaryo, hindi imperyalista ang naghaharing uri ng Russia. Inaapi nito ang sariling uring manggagawa at isa itong kapangyarihang pangrehiyon. Sa kaibahan, sinisipsip ng mga imperyalista ang dugo at pawis ng mga manggagawa sa buong planeta.

  • “Kontra sa imperyalistang giyera sa Ukraine” (Communist Party of Greece & Co.). Pasipistang basura na may idinagdag na “anti-imperyalistang” pambabalutktot. Paghagis ng alikabok sa mata ng mga manggagawa ang sabihin na ang giyerang ito ay imperyalista. Kung ang NATO o anumang imperyalistang kapangyarihan ay direktang manghimasok sa digmaang ito, obligasyon para sa sinumang rebolusyonaryo ang pumanig-militar sa Russia upang malupig ang mga imperyalista, ang pangunahing balwarte ng kapitalistang reaksyon sa buong mundo. Ito ang tiyak na gawain na tinatanggihan ng mga nanunulsol tungkol sa “imperyalismong Ruso.”

  • “Dapat bang pumanig ang mga manggagawa sa Russia?” Naniniwala ang ilan sa kaliwa na dahil hinahamon ng Russia ang mga imperyalista dapat itong suportahan sa giyerang nito. Isa itong pagsuko sa Gran Rusong sobinismo. Ang Russia ay hindi nakikipagdigma sa mga imperyalista kundi sa gobyernong Ukrainian. Ang proletaryong estratehiya para labanan ang imperyalismo sa Ukraine at Russia ay nakasalalay sa pinagkaisang rebolusyonaryong pakikibaka ng mga manggagawang Ukrainian at Ruso, hindi sa pagsuporta sa mga disenyo ng Kremlin. Ang pagpapasakop ng bansang Ukrainian sa Russia ay higit na magpapaalab sa mga pambansang antagonismo, na maglalagay ng dambuhalang balakid sa perspektibang ito.

Lahat ng pekeng-Marxista ay napatahol sa galit nang tuligsain ng Gran Rusong sobinista na si Putin ang rebolusyonaryong patakaran ni Lenin laban sa pambansang pang-aapi. Iya’y lubos na ikinarangal nila. Ngunit ang tunay na pagtanggol kay Lenin sa kasalukuyang digmaan ay nangangahulugan ng paglalantad sa mga sosyal-sobinistang taksil na habang gumagamit ng “sosyalistang” retorika ay sa katunayan ay mga utusan ng mga imperyalista. Sa puntong ito, kaya ni Lenin na ipagtanggol ang kanyang sarili:

“Iyan ang mismong bagay na gusto ng burgesya; nais nitong ­ilihis ang mga manggagawa mula sa rebolusyonaryong pakikibaka sa panahon ng digmaan sa pamamagitan ng mapagkunwari, walang ginagawa at walang katiyakang mga parirala tungkol sa kapayapaan; nais nito na sila ay patahimikin at paginhawahin ng mga pag-asa ng ‘kapayapaan na walang aneksasyon’, isang demokratikong kapayapaan, etc., etc.… Ang una at pundamental na punto ng isang sosyalistang programang pangkapayapaan ay ang ilantad ang pagkukunwari ng Kautskyistang programang pangkapayapaan, na nagpapalakas sa impluwensyang burges sa proletaryado.”

—“The Peace Programme” [Ang Programang Pangkapayapaan] (1916)