QR Code
https://iclfi.org/pubs/icl-tl/tagalog-covid-sup

Miserableng pangangalagang medikal, bulok na pabahay, produksyon para sa tubo, imperyalistang dominasyon: ang likas na katangian ng paghahari ng uring kapitalista ang gumagatong sa krisis sa ekonomiya at kalusugan na nanalanta sa buong mundo mula nang sumiklab ang Covid-19. Tinugon ng parasitikong burgesya ang pandemya sa paraang kapakipakinabang sa kanilang mga interes, pilit nilang ikinukulong ang buong populasyon sa tahanan, habang nakabinbin ang pagbabakuna.

Ang mga lockdown ng burgesya ay reaksyunaryong hakbang sa pampublikong kalusugan. Dapat itong tutulan ng mga manggagawa! Maaaring pansamantalang makapagpabagal ng pagkalat ng mga impeksyon ang mga lockdown, subalit pinapahina nito ang kakayahang lumaban ng manggagawa. Sa pamamagitan ng pagsasara sa buong sangay ng industriya at serbisyo, nagdulot sila ng krisis sa ekonomiya at inihulog ang masa ng mamamayan sa disempleyo. Ang pagsara ng mga paaralan at pasilidad sa pangangalaga ng mga bata ay nagpabigat sa mapang-aping pasanin ng pamilya. Ang panunupil ng estado ay malubhang pinatindi habang ang mga karapatang demokratiko at ng uring manggagawa ay nabasura. Ang mga pagtitipon, protesta, pagbiyahe, welga, pag-oorganisa ng unyon: lahat ay pinaghigpitan o ipinagbawal. Nilalayon ng mga lockdown na pigilan ang pakikibaka ng uring manggagawa, ang tanging paraan na tunay na maipagtatanggol ng mga manggagawa ang kanilang kalusugan at labanan ang mga panlipunang sanhi ng krisis.

Habang nagsusumamo ng “damayan at bayanihan,” naglunsad ang mga kapitalista ng Blitzkrieg laban sa uring manggagawa. Ang pagdurog sa mga unyon, malawakang layoff, pagbawas sa sahod at pagpapabilis ng trabaho ay ang “new normal.” Sa harap ng pinagsamang banta ng nakamamatay na virus at ng mabangis na kapitalistang pagsalakay, nananatiling walang armas ang uring manggagawa. Sa buong mundo, matapat na nakikipagsabwatan sa opensiba ng naghaharing uri ang mga maka-kapitalistang lider ng mga unyon at partidong manggagawa. Sa ngalan ng pambansang pagkakaisa at pagsugpo sa virus, ipinagkakanulo ng mga ito ang uring manggagawa.

Mula sa Labour Party ng Britanya at Australia hanggang sa Partido Sosyal-Demokratikong Aleman at Die Linke, ang mga Partido Sosyalista at Komunistang Pranses, at ang Partido Komunista ng South Africa (SACP), ang mga huwad na lider sa paggawa ay gumagampan ng pangunahing papel sa pagpapatupad ng mga lokal at pambansang lockdown, pati ang pagsalaksak nito sa lalamunan ng mga manggagawa at mga masang api. Mula sa AFL-CIO ng America hanggang sa mga unyon sa Mexico at Italya tungo sa pederasyong Rengo, Zenroren at Zenrokyo ng Japan, hinihikayat ng mga lider ng mga unyon ang kanilang kasapian na suportahan ang mga hakbang ng mga burgesya: ang manatili sa tahanan at gaguhin!

Ang kagyat na pangangailangang ipagtanggol ang kalusugan at kabuhayan ng uring manggagawa ay direktang naglalatag ng tungkulin sa pagpanday ng bagong pamunuan ng kilusang manggagawa. Kinakailangang makibaka ang mga unyon kontra sa pagpapasara sa mga industriya na pinapatupad ng kapitalistang estado at para sa ligtas na kondisyon sa trabaho. Ang kalunos-lunos na imprastruktura sa pangangalagang medikal at ng pabahay ay kailangang manumbalik sa maayos na kalagayan at mas pag-unlarin ngayon. Ang pagsamsam sa mga kapakipakinabang na gusali na pag-aari ng mga kapitalista at kasama ang mga malawak na programa ng pagawaing bayan ay kinakailangan upang mabigyan ng disenteng kondisyon sa pamumuhay ang sambayanang manggagawa.

Sa bawat paghakbang, bumabangga sa mga haligi ng paghahari ng uring kapitalista ang mga saligang interes ng mga manggagawa at masang api. Iginigiit ng kasalukuyang krisis ang pangangailangan para sa emansipasyon ng kababaihan mula sa kadena ng angkan, para sa pagtatapos ng makalahing pang-aapi at para sa pagpapalaya mula sa imperyalistang pagsasamantala. Ang tanging landas para sa pagsulong ng sangkatauhan ay sa pamamagitan ng mga rebolusyong manggagawa at pagtatag ng isang pandaigdigang sosyalistang planadong ekonomiya.

Kaharap ng lubos na pagkabangkarote ng mga tumatayong lider ng kilusang manggagawa at ng kanilang mga pekeng-Marxistang tagasunod, ang susing tanong na nakalatag para sa mga mga proletaryong may makauring kamalayan ay ang pangangailangan para sa isang lideratong nakasandig sa rebolusyonaryong programa ng Trotskyismo—tunay na Marxismo-Leninismo. Nagsusumikap ang Liga Komunista Internasyonal (Pang-Apat na Internasyonalista) [International Communist League (Fourth Internationalist)] na magtayo ng isang internasyonal na talibang partido Leninista, ang esensyal na instrumento para dalhin ang rebolusyonaryong kamalayan sa proletaryado at makamit ang kapangyarihang manggagawa. Muling pandayin ang Ika-Apat na Internasyonal, pandaigdigang partido ng sosyalistang rebolusyon!

Ibagsak ang Makauring Kolaborasyon at Pambansang Pagkakaisa!

Nitong huling taon, ang naging posisyon ng LKI ay tanggapin ang mga lockdown kung kinakailangan. Itinatakwil namin ang posisyon na ito. Isa itong pagsuko sa panawagan ng “pambansang pagkakaisa” para suportahan ng lahat ng mga uri ang mga lockdown alang-alang sa pagsalba ng buhay.

Para sa umano’y unibersal na hangaring ito, kusang isinakripisyo ng mga lider sa paggawa ang interes ng proletaryado. Tulad ng pampublikong kalusugan sa pangkalahatan, ang pagsugpo sa pandemya ay hindi nakalutang sa taas ng mga maka-uring antagonismo. Sa likod ng pag-aalala ng mga kapitalista para sa “pagsalba ng buhay,” ang katunaya’y isinusulong nila ang kanilang maka-uring interes. Ang interes ng burgesya sa pampublikong kalusugan ay ang pagpapanatili ng isang lakas paggawa para sa pagsasamantala sa pinakamurang halaga na posible habang pinoprotektahan ang sariling kalusugan nito. Taliwas sa reaksyunaryong layunin na ito, ang proletaryado ay may interes na makamit ang pinakamahusay na kondisyon sa pamumuhay at pangangalaga ng kalusugan para sa lahat. Malinaw na magkasalungat ang mga maka-uring interes na ito at hindi maaaring magkasundo, may pandemiya o wala. Sa pamamagitan lamang ng nagsasariling mobilisasyon laban sa burgesya maipagtatanggol ng uring manggagawa ang kanilang kalusugan at kaligtasan.

Pang-blackmail ng burgesya sa mga manggagawa ang ideya na ang pakikibaka para sa kanilang interes ay nagkakalat ng sakit—na ang mga pulong ng unyon at protesta ay banta sa kalusugan ng publiko; na ang mga manggagawang pangkalusugan ay pumapatay ng tao kapag sila ay nakikibaka para sa mas mabuting kondisyon sa pagtatrabaho; na ang mga paaralan at day-care ay dapat isara para maprotektahan ang mga bata. Malaking kasinungalingan ito! Ang pakikibaka laban sa mga lockdown ay ang kinakailangang panimulang-punto upang matugunan ang mga panlipunang sanhi ng kasalukuyang kalamidad. Ang mga miting ng unyon ay esensyal sa pansariling-depensa ng mga manggagawa. Ang pakikibaka ng mga manggagawang pangkalusugan ay ang daan tungo sa mas mahusay na atensyong medikal. Ang pakikibaka laban sa pagsasara ng paaralan at day-care ay ang paunang kondisyon para sa mas mahusay na mga paaralan at pangangalaga ng mga bata—at nagsusulong ng pakikibaka para sa pagpapalaya ng kababaihan.

Sa The Death Agony of Capitalism and the Tasks of the Fourth International (1938) [Ang Naghihirap na Paghihingalo ng Kapitalismo at ang mga Tungkulin ng Ika-Apat na Internasyonal], iginiit ng pinunong Bolshevik na si Leon Trotsky:

“Sa isang lipunang nakabatay sa pagsasamantala, ang pinakamataas na moralidad ay ang panlipunang rebolusyon. Ang lahat ng mga pamamaraan ay mabuti na nagpapataas ng maka-uring kamalayan ng mga manggagawa, ang kanilang pagtitiwala sa kanilang sariling mga puwersa, ang kanilang kahandaan sa pagsasakripisyo sa sarili sa pakikibaka. Ang mga hindi matatawarang pamamaraan ay iyong nagtatanim ng takot at pangangayupapa sa mga inaapi sa harap ng mga nang-aapi sa kanila.”

Paulit-ulit na ginagamit ng burgesya ang pinakamataas na moral na imperatiba tulad ng “pagsalba ng buhay” upang bigyang katwiran ang mga krimen nito. Halimbawa ng mga ito ay ang paggamit ng mga imperyalistang Aleman at Pranses ng European Union upang madambong ang proletaryado sa buong Europa sa ngalan ng kapayapaan at kaunlarang panlipunan. Winasak ng imperyalistang Amerikano at ng kanilang mga kaalyado sa NATO ang Libya, Iraq, Afghanistan at marami pang mga bansa sa ngalan ng “demokrasya” at “kalayaan”. Ang pagsalakay sa Somalia noong 1992 upang “pakainin ang nagugutom.” Kapag ang burgesya ay apuradong nananawagan tungkol sa “pagsalba ng buhay,” palagi itong ginagamit upang magtanim ng pagpapakumbaba sa naghaharing uri at upang manghikayat ng pambansang pakikiisa sa mga interes nito.

Para sa Pagkontrol ng Unyon sa Kaligtasan!

Ang kapitalistang estado—na ang bag-as ay binubuo ng pulisya, mga bilangguan, hukbo at korte—ay isang aparato ng organisadong karahasan upang mapanatili ang paghahari at ganansya ng mapagsamantalang uri. Habang sinusuportahan ng mga Marxista ang ilang hakbang sa pampublikong kalusugan na pinapatupad ng estado at kapaki-pakinabang sa uring manggagawa, tulad ng mandatory na pagbabakuna, ang umasa sa estado para maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ay pagpapatiwakal.

Ang mga Stalinista ng Partido Komunistang Griego ay dalubhasa sa pambabaluktot ng naturang mga ABCs ng Marxismo. Ang isa sa mga pangunahing kahilingan na kanilang iginiit sa mga unyon ay ang:

“Organisadong kontrol sa sanitasyon nang maiwasan ang pagkalat ng virus, sa ilalim ng responsibilidad ng mga ahensya ng estado, sa pantalan ng Piraeus, sa Cosco, sa mga barko, sa zona ng paggawa at pagkumpuni ng mga barko, sa mga pabrika at mga industriyal na yunit na nag-eempleyo ng libu-libong mga manggagawa.”

Rizospastis (1 Abril)

Ito’y katumbas ng paggapos ng uring manggagawa sa kapitalistang estado at pagsaboy ng mga ilusyon sa kabutihang loob ng mga ahensyang pangkalusugan nito. Kailangang ipaglaban ng mga manggagawa ang pagkontrol ng unyon sa kaligtasan. Mga unyon, hindi kapitalistang estado, ang dapat magtukoy ng mga kondisyon para sa trabahong ligtas.

Ang mga unyon ay mga batayang organisasyong pang-depensa ng uring manggagawa. Ang kanilang layunin ay ipagtanggol ang mga manggagawa sa trabaho, hindi ipaglaban na manatili sa tahanan ang mga manggagawa. Taliwas dito, sa maraming mga bansa, ipinaglaban ng mga lider ng unyon ng mga guro na panatilihin ng mga gobyerno ang pagsara sa mga paaralan upang “mabigyan ng proteksyon” ang mga guro at mag-aaral. Isa itong labis na pagtalikod sa laban para sa mga ligtas na paaralan. Kontra sa politika ng mga burukrata ng unyon na “manatili sa bahay at maghintay”, dapat ipundar ang isang pamunuan ng makauring pakikibaka na nakabase sa pagmobilisa sa hanay ng unyon at ng buong kilusang paggawa laban sa pagsasara, para sa mas mahusay na mga paaralan at ligtas na lugar ng trabaho.

Kagyat ang pangangailangan para sa mga kampanya ng pag-oorganisa ng unyon para magkaisa at mapalakas ang proletaryado. Kailangang mapaloob sa mga unyon ang mga pansamantala at subcontractual na manggagawa ng may sahod at benepisyo bilang mga ganap na kasapi. Ang unyonisasyon ng mga empleyado na may kaunting kapangyarihang panlipunan—sa retail, mga restawran, bar, delivery services, atbp.—ang maghahatid sa kanila sa lilim ng proteksyon ng organisadong uring manggagawa.

Muling Buksan ang Ekonomiya! Labanan ang Kawalan ng Trabaho!

Habang sila ay nakabuntot sa mga taksil sa paggawa, ang mga nagpapanggap sa Trotskyismo ay nagpatirapa sa harap ng burgesya. Ang Lutte Ouvrière, ang International Marxist Tendency (IMT), ang World Socialist Web Site, ang Internationalist Group, ang Trotskyist Fraction-Fourth International atbp: silang lahat ay yumakap sa mga lockdown, nagtaksil sa proletaryado.

Ang IMT, halimbawa, ay humiling: “Lahat ng di-esensyal na produksyon ay dapat ihinto agad. Ang mga manggagawa ay dapat pauwiin na walang bawas sa sahod hangga’t kinakailangan” (Marxist.com, 20 Marso 2020). Isa itong lubos na reaksyunaryong panawagan na maaari lamang humantong sa mas maraming tanggalan sa trabaho! Nais ng IMT na ilaglag ang malalaking bahagi ng manggagawa sa disempleyo at ayuda.

Ang kapangyarihang panlipunan ng uring manggagawa ay nagmumula sa lugar nito sa produksyon. Kailangang tutulan ng kilusang paggawa ang mga layoff at sapilitang leave without pay sa pamamagitan ng pakikibaka para sa pag-rekruta at treyning na kontrolado ng unyon, at para sa mas maikling lingguhang pagtrabaho na walang kaltas sa suweldo nang maipamahagi ang trabaho sa lahat ng mga manggagawa. Ang kasalukuyang krisis ay sumisigaw para sa dagdag na produksyon at serbisyo: higit at mas mahusay na pangangalagang medikal; malawakang konstruksyon ng pampublikong pabahay; mga gusaling maaliwalas at maayos ang bentilasyong para sa mga paaralan at day care; mas mahusay na pampublikong transportasyon. Ang muling pagbubukas at pagpapalawak ng ekonomiya ay kinakailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng sambayanang manggagawa at labanan ang kawalan ng trabaho at pagdarahop.

Para sa Dekalidad na Pangangalagang Medikal, Libre sa Punto ng Serbisyo!

Ang sistema ng produksyon na para sa ganansya ay hindi maaaring magbigay ng sapat na pangangalagang medikal. Samsamin ng walang kompensasyon ang mga ospital na pribado at pagaari ng Simbahan at mga kumpanyang parmasyutiko! Para sa malawakang pagsasanay at pagrekruta ng mga manggagawang medikal at pang-ospital sa pangangasiwa ng unyon! Tanggalin ang mga patent, upang magkaroon ng malawakang produksyon ng mga bakuna at gamot sa buong mundo!

Kaharap ng gumuguhong labi ng mga sistema sa pangangalagang pangkalusugan, ang lahat ng anyo ng mga repormista ay naglabas ng mga panawagan para isabansa ang pangangalaga sa kalusugan. Kagaya ng Left Voice, seksyon sa U.S. ng Trotskyist Fraction, na nananawagan para sa “nasyonalisasyon ng lahat ng mga industriya na kaugnay sa kalusugan sa ilalim ng kontrol-obrero” (Left Voice, 13 Abril 2020). Huwag palilinlang sa retorikang tunog-kaliwa nitong mga sosyal demokrata. Itinaguyod ng Left Voice ang mas istriktong mga lockdown, na lalo pang hahadlang sa anumang uri ng masang-pagkilos ng proletaryado, at gagawing imposible ang pakikibaka para sa mas mahusay na atensyong medikal.

Ito ang modelo ng Left Voice para sa kontrol-obrero: “Sa Argentina, ipinapakita ng mga manggagawa kung paano ito maisasakatuparan. Mga pabrika na kinokontrol ng mga manggagawa na walang mga boss sa buong bansa ay nagsisimula ng produksyon para sa pangangailangan sa halip na kasakiman.” Ang binabanggit rito ng Left Voice ay ang takeover ng ilang bangkarote at sekondaryong mga pabrika sa kapitalistang Argentina. Hindi ito modelo para sa kailangang gawin. Ang perspektiba ng Left Voice ay administrasyon ng obrero ng isinabansang sistema ng pangangalagang medikal sa balangkas ng kapitalismo, ibig sabihin, institusyonalisasyon ng makauring kolaborasyon. Ang pagkalas ng pangangalagang medikal mula sa mga ganansyador ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagbuwag sa burgis na estado, paghalili nito ng diktadura ng proletaryado at ekspropriyasyon ng uring kapitalista.

Kailangang Ipagtanggol ng Uring Manggagawa ang Lahat ng Inaapi!

Sinasalanta ang mga pinakamababang saray ng panggitnang uri. Ang kriminal na pagsuporta ng mga pinuno ng paggawa at lahat ng repormistang kaliwa sa mga lockdown ay pagsuko sa dulong kanan, pagbigay pahintulot sa mga mapagbantang reaksyunaryo at tahasang pasista na pumustura bilang tagapagtanggol ng mga karapatang demokratiko at kampeon ng napinsalang petiburgesya. Pakikilusin ng isang rebolusyonaryong partido ang uring manggagawa upang ipagtanggol ang lahat ng naaapi at pagkaisahin sila sa panig ng mga manggagawa laban sa burgesya.

Sa Asya, Latin America at Africa, milyun-milyong mahihirap na magsasaka ang pinipiga ng mga panginoong maylupa at mga bangko habang ang mga manininda sa lansangan ay ginugutom ng mga lockdown. Kahit saan, ang mga maliliit na tindahan, bar at restawran pati na rin ang mga estudyante ay nasasakal sa utang. Kanselahin ang lahat ng kanilang pagkakautang!

Milyun-milyong mga nag-oopisina ang pinilit na mag-“work from home”. Ang “work from home” ay gumagatong sa mga layoff at walang bayad na overtime, nag-aatomisa sa lakas paggawa na nagpapadali sa mga kontra-unyong pananalakay at ginagawang imposible ang pag-organisa ng unyon. Ang mga welga ay hindi naipapanalo sa pamamagitan ng Zoom kundi sa mga picket line. Ang anumang unyon na karapat-dapat sa ngalan nito ay kailangang tumutol sa iskemang “work from home”.

Binubuo ng mga imigrante ang susing bahagi ng uring manggagawa at ang malaking bilang sa kanila ay mga namamasukan ng may miserableng pasahod sa mga napinsalang industriyang pangserbisyo. Upang mapag-isa ang hanay nito, kailangang makibaka ang uring manggagawa para sa lubos na karapatang pangmamamayan ng lahat ng mga imigrante!

Isalipunan ang mga Gawain ng Angkan!

Buong lakas na pinagpipilitan ng burgesya na paatrasin ang gulong ng kasaysayan. Sa angkan, pangunahin sa balikat ng kababaihan ibinubunton ng mga lockdown ang gawaing pag-aaruga sa mga bata, edukasyon at pangangalaga sa mga matatanda. Sapilitang pinababalik sa tahanan ang kababaihan, na mas malaking bilang ang nawalan ng hanapbuhay kaysa sa kalalakihan, at nagiging biktima ng matinding pagtaas ng domestikong karahasan. Ibinibilanggo kasama ng kanilang mga magulang ang mga bata at teenager. Pinababayaang mamatay nang mag-isa sa mga bulok na bahay-kalinga ang mga may edad.

Kung may iisang bagay na ipinamalas ang mga lockdown, ito’y ang walang patutunguhan ng peministang programa ng redistribusyon ng gawaing bahay sa loob ng angkan. Ang kinakailangan ay kunin ang gawain-bahay mula sa angkan at halinhan ng libreng 24-oras na day care, mga kolektibong kusina at palabahan, mga de-kalidad na sentro ng pagreretiro.

Ang mga lockdown ay nagpapatibay sa mga institusyong haligi ng kapitalismo—ang estado, ang simbahan pati na rin ang angkan. Ang paglaya ng kababaihan ay makakamit lamang bilang parte ng isang pandaigdigang sosyalistang transpormasyon na kabahagi ang paghalili sa angkan ng sosyalisadong gawaing bahay at pangangalaga ng mga bata. Para sa paglaya ng kababaihan sa pamamagitan ng sosyalistang himagsikan!

Imperyalismo Ibagsak!

Ang imperyalistang sistemang pandaigdig, kung saan ang ilang dambuhalang kapangyarihan ay nagkukumpitensya sa paghahati ng daigdig, na nagsasamantala sa bilyun-bilyon tao, ang siyang pinaka-ugat ng kasalukuyang krisis sa mundo. Ang pandemya ay nananawagan para sa isang koordinadong tugon na pandaigdigan. Ngunit sa isang sistemang nakabase sa tunggalian sa pagitan ng mga magka-ribal na imperyalista at nagkukumpetisyong pambansang-estado, ito’y imposible. Dinurog at pinigilan ng imperyalismo ang pang-ekonomiya, panlipunan at pangkulturang pag-unlad ng mundo para sa interes ng stock exchange ng Wall Street, Tokyo, London, Frankfurt at Paris. Ginagamit ng mga imperyalista ang krisis na ito upang higpitan ang pagsakmal ng pandaigdigang kapital sa pananalapi sa mga dependenteng bansa. Kanselahin ang utang na ipinataw ng mga imperyalista! Ibagsak ang UN, IMF, NATO, NAFTA 2.0 at ang European Union!

Depensahan ang China! Dinodoble ng mga imperyalista ang kanilang pagsisikap para sa kapitalistang kontrarebolusyon upang itumba ang Rebolusyong 1949 at buksan ang depormadong estado obrerong Tsino sa kanilang pambubuwitre. Para sa pampulitikang rebolusyong obrero na magpapatalsik sa Stalinistang burukrasya!

Para sa mga Bagong Rebolusyong Oktubre!

South Korea, Sweden, Australia? Ang mga diyaryong burgis ay batbat ng walang katapusang debate kung alin sa mga bansa ang pinakamahusay sa pagbalanse sa malawakang pagkamatay at panunupil sa masa. Kaming mga Marxista ay may ganap na kakaibang modelo: ang Rebolusyong Bolshevik ng 1917. Sa pagwasak sa mga kadena ng kapitalistang pagsasamantala, ang uring manggagawa sa direksyon ng mga Bolshevik nina Lenin at Trotsky ay nagsagawa ng gahiganteng hakbang para sa pagsulong ng sangkatauhan. Ang sistema ng pampublikong kalusugan ng estado obrerong Sobyet ay isa sa pinakamalaking tagumpay nito, sa kabila ng pagkapanday sa krisol ng digmaang sibil at ng imperyalistang pananalakay sa larangang winasak ng digmaang pandaigdig. Ang namuno sa paglikha nito, si Nikolai Semashko, ay sumulat noong 1919:

“Ang mailipat ang maralitang taga-lungsod mula sa mga amaging bartolina tungo sa maaliwalas na silid sa mga maayos na tahanan, ang tunay na pagbaka sa sakit na panlipunan, ang lumikha ng mga normal na kondisyon ng trabaho para sa obrero—ang lahat ng ito ay hindi magkakamit kung isasaalang-alang natin ang pribadong pag-aari bilang isang bagay na sagrado at hindi malalabag. Ang lumang sistema ng kalusugan bago ito ay nag-atubili na parang kaharap ay isang di-malampasang hadlang; ang kapangyarihang Soviet—ang kapangyarihang Komunista—ang dumurog sa hadlang na ito.”

—“The Tasks of Public Health in Soviet Russia,” [Ang Gawain sa Kalusugang Pampubliko sa Soviet Russia] nilathala sa William G. Rosenberg, ed., Bolshevik Visions: First Phase of the Cultural Revolution in Soviet Russia (Ann Arbor: University of Michigan Press, 1990)

—Internasyonal na Komiteng Tagapagpaganap ng Liga Komunista Internasyonal (Pang-Apat na Internasyonalista)
19 Abril 2021
(Salin sa Tagalog Oktubre 2021)