QR Code
https://iclfi.org/pubs/icl-tl/2022-elektoral-na-circus

Narito na uli ang circus. Habang lugmok sa pinakamalalim na recession mula noong World War II kasunod ng isa sa pinakamatagal at pinakamalupit na Covid lockdown sa mundo, nakatakdang isagawa ng Pilipinas ang pambansang halalan sa Mayo 9. Ang eleksyon ay isang re-match sa pagitan ng pinuno ng oposisyon na si Vice President Leni Robredo at ng kanyang dati nang karibal na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., tagapagmana at kapangalan ng diktador na ang 20-taong pamumuno ay karibal sa kasakiman, kalupitan at katiwalian ng dating dinastiyang Pahlavi at Somoza ng Iran at Nicaragua.

Si Marcos Jr., na tinalo ni Robredo sa isang mahigpit na karera noong 2016, ay hindi inilihim ang kanyang ganang ibalik ang kanyang pamilya sa kapangyarihan. Kapwa nakibahagi sina Robredo at Liberal Party running mate na si Senator Kiko Pangilinan sa kilusang protesta na humantong sa pagbagsak ng pamilya Marcos.

Sa loob ng anim na taong marahas na pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang mga kaalyado, si Robredo ay naghahanda bilang presidente sa inilalarawan ng lokal media na labanang “Good versus Evil,” ang tinaguriang huling pagkakataon upang “iligtas ang demokrasya ng Pilipinas” mula sa “pagbabalik ng mga Marcos at isang pagpapatuloy ng pamunuan ni Duterte.” Panawagan namin: Robredo, Marcos at lahat ng burges na partido—Huwag iboto!

Habang papalapit ang multo ng muling pagbabalik ni Marcos at mga araw na lang ang natitira, pinagsama-sama ni Robredo ang mga Stalinista, sosyal-demokrata, sikat na artista, liberal na intelektuwal at mga kapitalistang amo sa isang prente popular o prenteng bayan na kawangis ng kilusang nagpabagsak sa diktadurang Marcos. Ang suporta para kay Robredo ay nakakuha ng momentum, habang ang mga paksyong anti-Marcos ay nagbubuhos ng pera sa mga sorties ng kampanya na umaakit ng daan-daang libong mga tagasuporta na kulay rosas ang suot at kilala bilang mga Kakampinks sa mga lungsod sa kapuluan.

Ang ideolohikal na pandikit na nagbubuklod sa prente popular ni Robredo ay fight-the-right bourgeois lesser evilism [pulitika na labanan-ang-mga-maka-kanan sa paraan ng pagsuporta sa burges na hindi gaano ang pagka-masama]. Matapos ang malawakang pagkatalo ng mga Liberal sa eleksyon 2019, nakuha ni Robredo ang aral na kailangan ng partido na magpatakbo ng isang “people’s campaign,” ibig sabihin ay sumakay patungong kapangyarihan sa likod ng mga inaapi. Ngayon ay i-priniprisinta niya ang kanyang sarili kontra kina Duterte at Marcos bilang “people’s champion” na magtatanggol sa demokrasya, lalabanan ang korapsyon at magtataguyod ng pagkakapantay-pantay.

Si Marcos sa kabilang banda ay tumatakbo sa isang plataporma para sa “pambansang pagkakaisa at muling pagbangon.” Ang kampanya ay kumabig sa mga nakababatang bahagi ng populasyon, marami sa kanila ay mga manggagawa na walang ibang alam kundi ang matinding kahirapan, kapabayaan at panunupil mula noong 1986, nang ang mga Marcos at kanilang mga crony ay ipinatapon sa U.S. ng isang alyansang binubuo ng mga rebeldeng opisyal ng militar, herarkiyang Katoliko Romano, Makati Business Club at mga partido ng oposisyong maka-Amerikano.

Ang pagkadismaya sa pila-pilang “demokratikong” gobyerno na nagsagawa ng malupit na mga programa sa pagtitipid at ibinenta ang ekonomiya sa mga imperyalista ay nagtulak sa libu-libo maralitang taga-lunsod, mababang antas na petiburgesya sa kalunsuran at mga magsasaka sa pangako ni Marcos ng maayos na trabaho, murang enerhiya, mga subsidyo sa presyo ng pagkain, mga proyekto sa pampublikong imprastraktura at isang nagsasariling patakarang panlabas. Si Marcos Jr., na nagbabalik-tanaw sa Bagong Lipunan ng kaniyang ama noong martial law bilang “golden age”, ay nagpabalisa sa mga imperyalista dulot ng kaniyang pagbitiw ng salita tungkol sa proteksyonismo sa ekonomiya at paninindigang maka-China.

Si Marcos Jr. na matagumpay na nagawang ipasantabi kay Davao City mayor Sara Duterte-Carpio, anak ng nanunungkulang pangulo, ang sariling ambisyon sa pagka-presidente at maging kanyang running mate ay sinusuportahan ng maka-kanang powerbroker na si Gloria Macapagal Arroyo. Hindi baguhan sa paglunsad ng mga kudeta at pandaraya sa eleksyon, si Arroyo ay tumulong kay Marcos Jr. para mabuo ang pinaghalu-halong kalamay na pangkat kabilang ang mga maka-kanang burges na lapian, rehiyonal na angkang pulitikal, pundamentalistang simbahang Kristiyano, at maging ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking grupo ng manggagawa sa bansa.

Peke si Robredo! Ibagsak ang Prenteng Bayan!

Dahil sa matinding panunupil sa ilalim ni Duterte, ang repormistang kaliwang Makabayang Koalisyon ay ngayon mga tapat na tagapagtambol para sa coalition ticket na pinamumunuan ng Liberal Party nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan. Kaugnay ng mga pampulitikang ideya ng ipinatapong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Maria Sison, paulit-ulit na idiniriin ng Makabayan na si Robredo ang may pinakamalaking posibilidad na talunin si Marcos, ang nangungunang kandidato sa pagka-presidente.

Noong Araw ng Paggawa, isinantabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) pederasyong manggagawa na kaanib ng Makabayan, ang mga pulang bandila, hinalinhan ang mga ito ng kulay rosas na banner ng oposisyon na pinamumunuan ng Liberal Party at iginiit ang kanilang “buong suporta at kampanya para sa tagumpay ni Robredo at Pangilinan.” Sa paglulunsad ng “malawak na nagkakaisang prente laban sa panganib ng tambalang Marcos-Duterte,” ang kinatwiran ng Sisonistang Makabayan para suportahan ang burges na oposisyon ay ang komon na aspeto ng mga pangakong elektoral ni Robredo at kanilang sariling plataporma.

Ang ganitong pulitika ay hindi na bago para sa Makabayan at sa mga grupong tagasunod nito. Ang kaliwa sa Pilipinas ay paulit-ulit na nagtaksil sa interes ng proletaryado sa paraan ng pagsisipsip sa burgesya. Noong 2016, sumali ang mga lider ng Makabayan sa gabinete ni Pangulong Duterte, isang reaksyunaryong politiko na iniugnay sa mga patayang death squad noong siya ay alkalde ng Davao City. Ang mga Sisonista ay nagpatuloy sa pagpapanatili ng kanilang alyansa sa kabila ng malawakang mga protesta sa lansangan na kinabibilangan ng kanilang sariling mga tagasuporta matapos pahintulutan ni Duterte ang opisyal na paglibing para sa yumaong autokrata na si Ferdinand Marcos Sr. Ang mga taksil na ito ay kakapit pa sa kanilang mga portfolio sa gabinete kung hindi pa sila pinatalsik ng pangkating Duterte na pagkatapos ay naglunsad ng isang berdugong kampanya laban sa mga Sisonista at iba pang makakaliwa.

Ngayon kay Leni Robredo na ikinakabit ng repormistang kaliwa ang kanilang mga sarili. Ang kilusang Kakampink ni Robredo ay isang prente popular o prenteng bayan dahil kumikilos ang mga pinuno ng mga unyon, Communist Party at kaliwa para suportahan ang burges na kandidatong ito. Kontra sa proletaryong rebolusyon, layunin ng programa nito na palitan ang pamahalaang Duterte ng isang kapitalistang gobyerno sa pangangasiwa ng diumano’y “progresibong” Liberal Party.

Ang limang taon ng pamumuno ni Duterte ay naging kapahamakan para sa uring manggagawa at inaapi. Sa ibabaw ng sobrang pagsasamantala sa proletaryado, ang kakila-kilabot na kahirapan ng masang anakpawis, ang usaping agraryo at ang pang-aapi sa kababaihan, ang gobyernong Duterte ay naglunsad ng berdugong panunupil ng estado sa ngalan ng “digmaan laban sa droga” at mga opensibang militar laban sa mga separatistang Moro at makakaliwang New People’s Army. Ang gahiganteng opensiba ng kapitalista sa panahon ng pandemya, kabilang ang brutal, mapangwasak na mga lockdown, ay lubhang nagpatindi ng presyur sa bayang manggagawa at mga inaapi. Ngunit ang ideya na matutugunan ng paghalal kay Robredo ang alinman sa mga problemang ito ay isang malaking pandaraya.

Si Robredo ay hindi alternatibo kay Duterte; siya ang bise presidente ni Duterte at bahagi ng Duterte “axis of evil.” Ang Liberal Party, na may base sa mga oligarkong asendero at industriyalista, pakikipag-ugnayan sa mga imperyalista at suporta ng herarkiya ng Simbahan, ay kumakatawan sa kaparehong makauring interes ng mga angkang Duterte at Marcos. Katulad ni Duterte, ang Liberal na Presidente Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na nauna sa kanya ang namuno sa brutal na pagsasamantala sa uring manggagawa at maralitang magsasaka, sari-saring pang-aapi sa buong lipunan, daan-daang pagpatay na isinaayos ng estado, sampu-sampung libo ang nawalan ng tirahan sa mga operasyong militar laban sa CPP, at hindi mabilang na iba pang kabalbalan laban sa proletaryado at inaapi.

Ang parliamentaryong demokrasya sa maralitang neo-kolonya ng U.S. ay lubhang marupok. Ngunit habang ang burgesya ay nananatiling hati at nagbabantang tastasin ang sarili, ang mga nakikipagkumpitensyang paksyon nito ay magkasundo sa isang bagay—ang pangangailangang supilin ang mga manggagawa at maralita.

Noong Nobyembre, nakipagpulong si Robredo sa matataas na opisyal ng militar at nangakong susuportahan ang programang kontra-insurhensya habang tinutugis at pinapatay ng mga pwersa ng estado ang mga pinuno ng Makabayan at militanteng magsasaka. Bilang hudyat sa kanyang anti-Komunistang layunin, hindi isinama ni Robredo ang Makabayan sa kanyang napiling Senate slate, paulit-ulit na isinasantabi ang mga kandidato ng Makabayan sa mga electoral rallies. Sa kabila ng lahat ng uri ng pang-aabusong pampulitika sa kanila ng mga Kakampinks ni Robredo, mala-aliping iwinagayway ng mga lider ng Makabayan ang mga kulay rosas na bandera at sumisigaw ng Maki-Leni Huwag Matakot! sa mga sorties kasama ng mga kapitalistang boss, socialite influencer, at middle-class na mga propesyonal. Kontra dito, sinasabi naming Ibagsak ang prenteng bayan! Bumaklas sa mga burges na Liberal!

Mga maka-Prenteng Bayan na Nagbabalatkayong Kaliwa

Habang ang Sisonistang Makabayan at ang sosyal-demokratikong Akbayan Party at Partido Manggagawa ay walang kahihiyang bumubuntot kay Robredo, ang mga kaliwang grupo sa paligid ng Laban ng Masa ay naglunsad ng tiket ng “independiyenteng paggawa.” Matapos mabigong buuin ang isang blokeng elektoral kasama si Robredo, ang pagkakaisang ito ng mga dating Stalinista, unyon, at NGO ay kumikilos para kay Leody de Guzman, isang lider-manggagawa na nauugnay sa Partido Lakas ng Masa (PLM) ni Sonny Melencio at ang akademikong si Walden Bello, isang nasyonalistang anti-China at darling ng mga liberal na burges.

Kahit itinanghal bilang alternatibong “maka-manggagawa” at “demokratikong sosyalista” sa halalan, hindi ganoon sina De Guzman at Bello. Ang tambalan ng PLM/Laban ng Masa ay hindi naglalayong pakilusin ang mga anakpawis laban sa kanilang mga kapitalistang amo. Hindi man nito sinusubukan.

Ang uring manggagawa sa daigdig ay binayo ng kanilang mga kapitalistang tagapaghari sa ngalan ng paglaban sa Covid-19. Ang pag-atake na ito ay mas mabangis sa bansang tulad ng Pilipinas. Ang oposisyon sa mga lockdown at ang buong blitzkrieg sa uring manggagawa ay isang mapagpasyang usapin. Sa aming pahayag noong Abril 19, 2021, sinabi ng International Communist League (Fourth Internationalist)/Liga Komunista Internasyonal (Pang-Apat na Internasyonalista):

Ang mga lockdown ng burgesya ay reaksyunaryong hakbang sa pampublikong kalusugan. Dapat itong tutulan ng mga manggagawa! Maaaring pansamantalang makapagpabagal ng pagkalat ng mga impeksyon ang mga lockdown, subalit pinapahina nito ang kakayahang lumaban ng manggagawa. Sa pamamagitan ng pagsasara sa buong sangay ng industriya at serbisyo, nagdulot sila ng krisis sa ekonomiya at inihulog ang masa ng mamamayan sa disempleyo. Ang pagsara ng mga paaralan at pasilidad sa pangangalaga ng mga bata ay nagpabigat sa mapang-aping pasanin ng pamilya. Ang panunupil ng estado ay malubhang pinatindi habang ang mga karapatang demokratiko at ng uring manggagawa ay nabasura. Ang mga pagtitipon, protesta, pagbiyahe, welga, pag-oorganisa ng unyon: lahat ay pinaghigpitan o ipinagbawal. Nilalayon ng mga lockdown na pigilan ang pakikibaka ng uring manggagawa, ang tanging paraan na tunay na maipagtatanggol ng mga manggagawa ang kanilang kalusugan at labanan ang mga panlipunang sanhi ng krisis.

Kontra sa mga maka-kapitalistang pinuno ng kapwa mga unyon at partido ng kaliwa sa Pilipinas, idineklara namin: Ibagsak ang mga lockdown! Tampok para sa uring manggagawa nitong pandemya ang kumilos sa paraan ng rebolusyonaryong maka-uring pakikibaka, para maipaglaban ang kanilang mga interes, kailangang harapin ang mga kapitalista at ang kanilang nabubulok na sistema.

Ngunit ang ginawa ng PLM/Laban ng Masa ay suportahan ang mga pag-lockdown, dahilan kumbakit sila ay naging responsable sa mga kakila-kilabot na kinahinatnan ng uring manggagawa. Walang binanggit na mga lockdown sa kanilang Democratic Socialist Electoral Platform (Pebrero 2022) o sa nakaraang 25-puntong Laban ng Masa Declaration and Platform for the 2022 Elections (Marso 2021). Ang tanging pagbanggit ng huli sa pandemya ay isang panawagan na “Lansagin ang walang kwentang Inter-Agency Taskforce sa Covid 19.” Ito ay naaayon sa paglalarawan ni Bello sa “kawalan ng kakayahan at katangahan” ng mga brutal na hakbang ni Duterte. Katulad ng mga apela ng mga sosyal-demokrata, Makabayan, at mga burukrata sa paggawa, ito ay isang panawagan para lamang sa mas mahusay na tugon ng burges. Ang PLM ni Melencio sa una ay nanawagan para sa isang “pro-people lockdown” at nagpatuloy sa pamamahagi ng pagkain upang gawing mas “maka-mamamayan” ang lockdown. Noong Oktubre 2021, nagpahayag pa nga si De Guzman ng pagkabahala sa pagpapaluwag ng mga lockdown (Inquirer, 20 Oktubre 2021).

Walang kahit na katiting na batayan para isaalang-alang ang kritikal na suporta para sa alinman sa mga alipures na ito ng mga tiwaling kapitalistang tagapaghari ng Pilipinas. Si De Guzman at ang kanyang tiket ay naging abala sa pagtataguyod ng isang plataporma ng reporma sa buwis, paggawa at elektoral na iniaalok nila sa burgesya bilang rasonableng alternatibo sa populistang plataporma ni Marcos Jr. Hindi nakakagulat na pinili nina De Guzman at Bello na gawin ang kanilang unang pagharap sa publiko sa Camara de Comercio de las Islas Filipinas, ang grupo ng mga negosyante na itinatag noong kolonyal na paghahari ng mga Espanyol, upang ligawan ang suporta para sa patakarang nasyonalistang industriyalisasyon ng PLM/Laban ng Masa. Sa isang eksklusibong panayam sa Pilipinas Forum, programa sa telebisyon ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas noong Mayo 3, mariing tiniyak ni De Guzman sa mga manonood na siya at si Bello ay “hindi anti-kapitalista” at nanawagan ng pakikipagsosyo at kooperasyon sa pagitan ng mga kapitalistang amo at uring manggagawa.

Habang minsa’y namumuna sa mga deklarasyon ng patakaran ni Robredo, ang tiket ng PLM/Laban ng Masa ay umiiwas sa pagkontra sa kapitalistang lady boss na si Robredo. Bagaman hiwalay ang organisasyon sa kampo ni Robredo, ang papel ng PLM at mga kaalyado nito sa Laban ng Masa ay takpan ang kaliwang bahagi ng anti-Marcos/anti-Duterte na prenteng bayan, at linlangin ang mga manggagawa at maralita.

Ang mga tagasuporta ng PLM at Laban ng Masa ay nagmamakaawa na si De Guzman ay hindi nagnanakaw ng mga boto kay Vice President Robredo, kundi “nag-aambag sa pangkalahatang pakikibaka” na “magkaisa laban sa Marcos-Duterte axis of evil.” Sa pamamagitan ng pagpingas sa baseng botante ni Marcos, ang layunin nina De Guzman at Bello ay tulungan si Robredo at ang mga burges na liberal na manalo.

Ang PLM/Laban ng Masa ay gumaganap bilang galamay ng Liberal Party. Ang kanilang buong kampanya ay nakatuon sa pagpresyur kay Robredo pa-kaliwa, na nangangahulugang sila ay tumutulong para dayain ang mga manggagawa tungkol sa kanyang “progresibong” karakter. Ang kanilang pormal at nagsasariling organisasyon ay mas epektibo bilang kaliwang panakip para kay Robredo, isang butas sa tagiliran ng prente popular para sa mga nag-aatubili na direktang suportahan ang Liberal Party.

Depensahan ang China!

Ang nagbubuklod din sa PLM/Laban ng Masa at mga Sisonista ng Makabayan kay Leni Robredo ay ang kanilang magkaparis na posisyong anti-China kaugnay ang Spratly Islands. Binubuo ng mga bato at atoll, na marami sa mga ito ay nasa ilalim ng tubig kapag taob, ang kapuluang Spratly ay sumasaklaw sa South China Sea shipping lane na nag-uugnay sa Silangang Asya sa subkontinente ng India at sa Malapit na Silangan. Kalahati ng merchant tonnage ng mundo ang dumadaan sa rutang ito, kabilang ang 80 porsiyento ng mga pag-import ng krudo ng China. Ang mga isla ay inaangkin ng apat na kapitalistang bansa gayundin ng depormadong estado obrerong Vietnamese at Chino. Halos bawat isa sa mga bansang ito ay nagsagawa ng konstruksyon sa Spratlys.

Hindi nakakagulat na ang mga imperyalistang U.S. at ang kanilang mga kaalyado ay sumusuporta kay Leni Robredo bilang kanilang hirang sa pagkapangulo. Nababahala silang mawalan ng maaasahang tagapangasiwa para sa kanilang mga interes. Ang Pilipinas para sa U.S. ay isang estratehikong posisyon kung saan mapagbabantaan ang mga sea lanes na siyang ruta ng suplay ng langis para sa China gayundin bilang palunsaran ng interbensyong militar para sugpuin ang kaguluhang panlipunan sa mga karatig na malakolonyal na bansa.

Habang ang Makabayan ay humanay sa Washington at sa domestikong burgesya para tutulan ang mga pagsisikap ng China na bumuo ng sapat na pwersa sa mga islang ito upang panatilihing bukas ang mga shipping lanes at pigilan ang mga pwersang kaaway na makalapit sa baybayin nito, panawagan namin: Ipagtanggol ang China! U.S. Navy layas sa South China Sea! U.S military layas sa Pilipinas! Ibagsak ang alyansang militar ng U.S.-Pilipinas!

Ang mga Sisonistang organisasyon ay naglunsad ng maingay na mga rally sa Makati central business district, layunin nilang higitan ang sosyal-demokratikong karibal na Akbayan Party (na kasosyo sa blokeng elektoral sa likod ni Robredo) bilang pinaka-mapusok na nasyonalistang anti-China, habang kombenyenteng binabalewala ang paglalayag ng mga barkong pandigma ng U.S., British at Australia sa karagatang teritoryo ng Pilipinas. Hindi rin padadaig, tinuligsa ng PLM/Laban ng Masa ang Beijing at itinaguyod ang isang “independiyenteng” panrehiyong bloke militar-diplomatiko laban sa “ekspansiyonista at balwarteng pang-aangkin ng China”. Laban sa mga panukalang higit pang palakasin ang blokeng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dominado ng imperyalista, sinasabi namin: Ibagsak ang ASEAN Economic Community (AEC)! Para sa isang Sosyalistang Pederasyon ng Timog Silangang Asya, na inorganisa sa isang boluntaryong batayan!

Pinuna ng mga pulitiko ng Makabayan si Pangulong Duterte mula sa kanan, inaakusahang papet ng Beijing ang kanyang pamahalaan, at ginawa rin nilang sulsulan ang mga opisyal ng militar para igiit ang pag-angkin sa teritoryo sa “West Philippine Sea”. Ang pagtanggi ng Makabayan sa pagdepensang militar ng China at magsilbing tagapagbunyi para sa mga “demokratikong” kontra-rebolusyonaryong protesta sa Hong Kong ay kumakatawan sa pagsuko sa “demokratikong” imperyalismo at sa sariling anti-Komunistang burges na tagapaghari sa Pilipinas.

Sa katunayan, susi sa pagmaniobra ng U.S. ang Pilipinas, unang-una, laban sa depormadong estado obrerong Chino. Ang proletaryado ay dapat maninidigan para sa walang kondisyong depensang militar ng mga depormadong estado ng mga manggagawa kabilang ang Vietnam, Laos, North Korea at Cuba laban sa imperyalismo. Sa “Deklarasyon ng mga Prinsipyo at Ilang Elemento ng Programa” (Spartacist [Edisyon sa wikang Ingles] Blg. 54, Spring 1998) na pinagtibay sa Ikatlong Internasyonal na Kumperensya ng Liga Komunista Internasyonal (Pang-Apat na Internasyonalista) iginiit namin:

Ang aming posisyon ay dumadaloy mula sa proletaryong maka-uring karakter ng mga estadong nabanggit, at pinangangatawanan ng kolektibisadong relasyon sa pag-aari—nasyonalisadong ari-arian, planadong ekonomiya, monopolyo sa kalakalang panlabas at pinansya, atbp.—na itinatag ng mga panlipunang rebolusyong dumurog sa kapitalismo. Sa kabila ng burukratikong depormasyon ng mga estadong ito, puspusan ang aming pagtanggol sa mga ito laban sa maka-uring kaaway, ibig sabihin, hindi ito nakasalalay pangunahin sa pagpapabagsak ng mga Stalinistang burukrasya, o di kaya ay nakadepende sa mga sirkumstansya o kagyat na sanhi ng alitan.

Kasabay nito, itinataas namin ang bandila ng mga proletaryong rebolusyong pulitikal para patalsikin ang mga Stalinistang burukrasya at magtatag ng mga rehimeng nakabatay sa demokrasya ng mga manggagawa at mga rebolusyonaryong internasyonalistang patakaran.

Ang oposisyon sa imperyalistang dominasyon at kampanyang digma na kontra-China—na nagtatakda sa buhay pulitika ng Pilipinas—ay nangangailangan ng makauring pakikibaka laban sa pakikipagkaisang prente popular sa burgesya at para sa internasyonal na rebolusyon. Ang resulta ng isang matagumpay na rebolusyon ng mga manggagawa sa Pilipinas ay magkakaroon ng malaking epekto sa China at sa iba pang depormadong estado obrero at gayundin sa mga bansa sa Asya tulad ng Indonesia, Malaysia, Thailand at South Korea, kung saan lumitaw ang isang militante at batang proletaryado bilang isang makapangyarihang salik.

Para sa Paglaya ng Kababaihan!

Sa Pilipinas, ang mga kababaihang manggagawa ay labis na nagdurusa sa ilalim ng tripleng pasanin ng pagka-api: bilang mga babae, bilang mga kasapi ng uring manggagawa, at bilang mga mamamayan sa isang mala-kolonya na pangunahing inaapi ng imperyalismong U.S. Ang pahayag ng Laban ng Masa sa dekriminalisasyon ng aborsyon ay isang malaking dahilan sa pagiging popular nina De Guzman at Bello sa mga makakaliwang kabataan at kababaihan. Ito ay isang apela sa mga pangangailangang masidhing dinadama ng kababaihan upang ibandila ang mga ilusyon na maaaring kumbinsihin si Robredo na gumanap ng isang progresibong papel para sa mga karapatan ng kababaihan. Si Robredo mismo ay tumututol sa pagsasa-legal ng aborsyon at sinusuportahan siya ng herarkiyang Katoliko, na sinasabing siya ang “pinaka-matapat sa mga pamantayang Katoliko” sa mga kandidato sa pagkapangulo. Higit pa rito, lahat ng kapitalistang rehimen sa Pilipinas ay nakabatay sa Simbahan at sa angkan, at labis na mapang-api sa kababaihan—ang mga administrasyon nina Presidente Corazon C. Aquino at Gloria Macapagal Arroyo ay hustong patunay nito.

Sa paraan ng pagpapalamuti sa mga posisyon ni Robredo at paggapos ng pakikibaka para sa pagpapalaya ng kababaihan sa mismong uri na responsable at nagpapanatili ng pang-aapi ng kababaihan, hinahadlangan ng PLM/Laban ng Masa ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng kababaihan. Ang aborsyon—isang mura, simple at ligtas na pamamaraang medikal—sa katunayan ay isang mabisang halimbawa nito.

Ang pagsulong ng kababaihan ay hindi magmumula sa pakikipag-alyansa sa mga Liberal na Kakampinks kundi sa makauring pakikibaka laban sa lahat ng paksyon ng burgesya. Ang pagpapalaya ng kababaihan ay nangangailangan ng gobyernong manggagawa at magsasaka. Ang pananaw na ito ay kasalungat ng Menshevik/Stalinistang dogma ng “rebolusyong dalawang-yugto” na isinusulong ng CPP nina Jose Maria Sison at PLM ni Sonny Melencio, mga manlilinlang para sa prente popular, Simbahan at mga pwersa ng reaksyon.

Kinakailangang ipaglaban ang libreng aborsyon on demand at libre’t dekalidad na pangangalagang pangkalusugan para sa lahat. Ang mga Marxista ay nananawagan para sa mahigpit na paghihiwalay ng simbahan at estado at pagtutol sa lahat ng manipestasyon ng diskriminasyon laban sa kababaihan, homosexual at mga minoryang etniko, pambansa at panrelihiyon. Ang pagiging atrasado sa relihiyon—Katoliko man o Muslim—ay nagsisilbing palakasin ang angkan, ang pangunahing institusyon para sa pang-aapi sa kababaihan.

Upang masimulan malatag ang materyal na batayan para sa pagpapalaya ng kababaihan mula sa domestikong pagka-alipin at lahatang panig na pang-aapi, ang sistema ng kapitalistang pagsasamantala ay dapat na magupo sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyon, na humahantong sa paglikha ng isang pandaigdigang planadong kolektibisadong ekonomiya. Ang Liga Komunista Internasyonal (Pang-Apat na Internasyonalista) ay naghahangad na magtayo ng isang internasyonalistang rebolusyonaryong partidong taliba upang kumilos bilang isang tribyun ng mga mamamayan, na nagpapakilos sa proletaryado sa pagtatanggol sa lahat ng inaapi laban sa komon na kaaway na uri. Partikular sa mga bansang naantala ang kapitalistang pag-unlad, ang paglaban para sa pagpapalaya ng kababaihan ay isang mahalagang bahagi ng perspektibang na ito. Para sa paglaya ng kababaihan sa pamamagitan ng sosyalistang himagsikan!

Para sa isang Partido Leninista-Trotskyista!

Nananawagan ang PLM/Laban ng Masa sa mga manggagawa, kababaihan, kabataan at inaaping katutubong minorya na bumoto ng “berde, sosyalista, at progresibo” sa Mayo 9. Sa kanilang pag-alok ng LEAD (labor-ecologist-and-democratic) slate na kinabibilangan ng mga burges na Green at Liberal, ang mga pekeng-kaliwa na ito ay naghahain ng malupit na biro sa uring manggagawa, literal na i-mis-LEAD o iligaw ang mga manggagawa para maging bihag sa yakap ng makauring kaaway, ang mga kapitalista.

Bilang mga kapitalistang tagapaghari ng isang malakolonyal na bansa sa panahon ng imperyalismo, lahat ng paksyon ng burgesya sa Pilipinas ay reaksyunaryo. Hinihingi ng pambansang pagpapalaya at panlipunang pag-unlad ng bansa ang pagwasak sa pagkakasakal ng imperyalismong U.S. at ang pagpawi ng kapitalistang relasyon sa pag-aari.

Dahil sa kinakaharap ang isang ganap na maunlad, militanteng uring manggagawa at mahigpit ang pagkakatali sa ekonomiya at militar nito sa imperyalistang U.S., walang kakayahan ang domestikong burgesya na isulong ang alinman sa mga pakikibakang ito at sa halip ay hinahatulan ang bansa sa kahirapan at pagka-atrasado. Kumakapit ito sa mga imperyalista upang mapanatili ang kanyang paghahari, naghahasik ng terorismo ng estado at extra-legal para protektahan ang kapangyarihan at interes nito at ginagamit ang Simbahan at angkan para itanim ang pagtalima at mapatahimik ang masa.

Iminumungkahi nina Leody De Guzman and Walden Bello ng PLM/Laban ng Masa ang islogan Manggagawa Naman. Ang mga pekeng makakaliwa na ito ay nangangatwiran na sa pamamagitan ng paghalal ng mga “pinunong maka-manggagawa” sa katungkulang ehekutibo, ang kapitalistang estado ay maaaring pangasiwaan para sa interes ng uring manggagawa at ng mga inaapi. Ito ay kabalbalan!

Ang kapitalistang estado ay hindi isang neutral na ahensya na maaaring pilitin na kumilos para sa interes ng masa. Binubuo sa kaibuturan nito ng mga pulis, korte, piitan at hukbo—mga lupon ng taong armado—ang kapitalistang estado ay ang instrumento ng burges na paghahari. Umiiral ito para ipataw at ipagtanggol ang “karapatan” ng mga kapitalista na pumiga ng tubo mula sa pagsasamantala sa uring manggagawa. Ang kapitalistang estado na isang instrumento ng panunupil laban sa uring manggagawa at mga inaapi ay dapat ibagsak.

Ang rebolusyonaryong komunistang interbensyon sa halalan ay naglalayong ipakita sa uring manggagawa na ang mga nagbabagang pambansa at demokratikong suliranin ay hindi malulutas kung walang proletaryong rebolusyon sa Pilipinas. Para matupad ito rekisito ang isang rebolusyonaryong Leninista-Trotskyistang partidong taliba na walang tigil sa pagpukaw at pagpapakilos sa mga manggagawa at inaapi na makibaka para sa kapangyarihang pang-estado. Ang partidong ito ay tatayo bilang isang Komunistang Oposisyon at rebolusyonaryong sandigan na maglalantad sa prente popular, at lalo na sa mga pinakakaliwa sa mga tagapagtaguyod nito, na nagpapadapa sa uring manggagawa sa paanan ng burgesya habang naghahain ng mga huwad na solusyon na magtatapos lamang sa madugong kapahamakan para sa masang api.

Ang kaliwa sa Pilipinas ay paulit-ulit na nagpakita ng walang kahihiyang pagpapasakop sa burgesya—mula sa mga kilusang “People Power”, ang sunud-sunod na palpak na kudeta laban kay Arroyo hanggang sa isang-taong koalisyong gabinete sa pagitan ng Makabayan at ng reaksyunaryong partido ni Duterte, at sa kasalukuyang blokeng elektoral nito kasama ang mga Kakampink ni Vice President Leni Robredo.

Ang ganitong mga oportunistang paliku-liko ay naaayon sa buong kasaysayan ng Stalinismo ng Pilipinas at nakakatulong na ipaliwanag kung bakit ang kaliwa doon ay binubuo ng isang alphabet soup ng mga pangkat na halos hindi na matukoy kung pulitika ang pagbabatayan—lahat ay sumasang-ayon sa Menshevik/Stalinistang modelo ng “rebolusyong dalawang-yugto.” Ang bawat bagong pagtataksil ay may posibilidad na magresulta sa isang cliquist na split kung saan ang isang paksyon o iba pa ay tinuligsa dahil sa labis na pagsandal sa “pambansang burgesya” at hindi pag-unawa sa “pangunahing papel ng uring manggagawa sa demokratikong rebolusyon” o sa labis na pagtutok sa “gerilyaismo” sa halip na pulitikang elektoral.

Bilang babala sa mga ilusyon kay Cory Aquino noong 1986, isinulat namin: “Maraming nasyonalistang rehimen ng Third World ang naghangad na protektahan ang kaliwang panig nito sa pamamagitan ng pagpasok sa mga Komunista sa isang ‘demokratikong (o anti-pasista, anti-imperyalista, atbp.) na gobyernong koalisyon,’ para lamang itakda sila para sa isang masaker kinabukasan” (“Ang mga Manggagawa sa Pilipinas ay Dapat Lumaban para sa Kapangyarihan!” “Philippines Workers Must Fight for Power!WV No. 415, 7 Nobyembre 1986).

Ang kailangan ay isang programatikong pagkalas sa lahat ng variant ng Menshevik/Stalinistang dogma ng “rebolusyong dalawang-yugto,” na nagpapailalim sa uring manggagawa sa isa o ibang kampo ng burgesya sa paglaban para sa “demokratikong” kapitalismo habang pinapaliban ang pakikibaka para sa sosyalismo sa araw na hindi darating. Mula sa Rebolusyong Chino noong 1925-27, na nilunod sa dugo ng nasyonalistang Guomindang ni Chiang Kaishek, hanggang sa pagmasaker sa mga Komunistang Indones ng mga militar at pundamentalistang pangkating Muslim ni Suharto noong 1965, paulit-ulit na ipinakita ng kasaysayan na ang “rebolusyong dalawang-yugto” ay nangangahulugan ng madugong pagkatalo para sa uring manggagawa at inaapi.

Para sa pag-agaw ng kapangyarihang pang-estado, esensyal ang alyansa sa pagitan ng proletaryado at magsasaka sa ilalim ng proletaryong hegemonya. Inilarawan ng kasaysayan ng Pilipinas at iba pang malakolonyal na bansa na walang magagawa ang pambansang burgesya para wakasan ang abang kalagayan ng magsasaka. Sa pamamagitan lamang ng alyansa ng lahat ng anakpawis, na pinamumunuan ng uring manggagawa, makakaahon ang masang magsasaka sa daan-daang taon nang pang-aapi.

Ang laban para sa proletaryong kapangyarihan sa Pilipinas ay dapat na maiugnay sa isang perspektiba ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon, partikular sa mga imperyalistang sentro ng U.S., Japan, Australia at Kanlurang Europa. Ang milyun-milyong diaspora ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo ay nagsisilbing buhay na tulay sa pagitan ng makauring pakikibaka sa kapuluan at ng mga nasa Malapit na Silangan, Hilagang Amerika at iba pang lugar. Ang susi sa tagumpay ay nakasalalay sa pagbuo ng isang Leninista-Trotskyistang partido, seksyon sa Pilipinas ng muling pinanday na Ika-Apat na Internasyonal!