https://iclfi.org/pubs/icl-tl/2022-pandemya-china
Isinalin mula sa Spartacist (Edisyong Ingles) Blg. 67, Agosto 2022
Mula nang sumiklab ang Covid-19 noong 2019, naging larangan ang China ng ilan sa pinaka-brutal at dystopian na lockdown sa mundo, saan sampu-sampung milyong katao ang nakulong sa loob ng maraming linggo, salat sa mga batayang pangangailangan at patuloy na sumasailalim sa panunupil ng pulisya. Ito rin ang larangan ng pinakakahanga-hangang mobilisasyon ng mga rekurso para labanan ang virus: ang espektakular na produksyon ng mga kagamitang medikal, ang pagpapatayo ng mga ospital sa loob ng iilang araw, at ang libu-libong mga kawaning medikal na pinadala sa mga lugar ng krisis.
Itinatampok nito ang malalim na kontradiksyon sa katangian ng China, na hindi isang kapitalistang estado kundi isang depormadong estado ng manggagawa. Sa isang banda, nakasalalay pa rin ang estado sa mga tagumpay ng Rebolusyong 1949, na nagpalaya sa bansa mula sa imperyalismo at nagtatag ng isang planadong ekonomiya. Sa kabilang banda, ang namamahala sa bansa ay isang burukratikong saray sa pamumuno ng Partido Komunistang Tsino (CCP) na umaapi sa uring manggagawa at sumisira sa mga tagumpay na ito. Habang patuloy na pinapatindi ng U.S. at mga kaalyado nito ang mga bantang militar at ekonomiya laban sa China, at sa lalong pag-igting ng mga panlipunang kontradiksyon sa loob ng bansa, mas lalong importante na ang mga Marxista ay magkaroon ng wastong pag-unawa sa China at ipaglaban ang isang programa sa pandemya na magsusulong sa layunin ng mga manggagawang Tsino, gayundin ng buong pandaigdigang uring manggagawa.
Sa ngayon, lubos na nabigo ang Marxistang kaliwa sa gawaing ito. Sa inisyal na yugto ng pandemya, ang patakarang “zero-Covid” ng CCP na mga istriktong lockdown, travel ban at mass testing ang naging modelo para sa buong kaliwa, mula sa mga Stalinista hanggang sa mga mga sosyal demokrata at pati na rin mga tinaguriang Trotskyista. Dahil lubos na walang kakayahang gumawa ng anumang paraang wasto ang naaagnas na mga uring kapitalista sa buong daigdig, ang burukrasyang Tsino ay nakatamo ng internasyonal na papuri bilang tagapaglawaglandas. Ang Liga Komunista Internasyonal ay hindi naging eksepsyon, at sulit na banggitin ng may kahabaaan ang isinulat namin sa “China Mobilizes to Contain Coronavirus” [China Nagmobilisa para Pigilan ang Coronavirus] (Workers Vanguard No. 1171, 6 March 2020):
Ang mga linyang ito’y walang iba sa di-mapanuring pag-endorso sa mga patakaran ng CCP. Hindi mapanuri, sapagkat ang tanging mga puna namin sa burukrasya ay ang “pagka-antala” ng mga hakbang nito matapos ang mga pagtatangkang manakip-butas, ngunit nang kumilos na ang “Beijing” (i.e., ang sentral na pamahalaan), naglaho ang aming mga pagkakaiba. Kasuklam-suklam na ang artikulong ito ay umasa pa sa W.H.O., isang ahensya ng imperyalistang UN, upang awitin ang mga papuri sa CCP. Aming itinatakwil ang artikulong ito, na isang pagtataksil sa prinsipyong Trotskyista.
Habang ang mga kapitalistang bansa ay lumayo mula sa mga lockdown tungo sa isang estratehiya ng “pamumuhay kasama ang virus,” patuloy ang CCP sa mahigpit nitong pagkapit sa reaksyonaryong estratehiyang “zero-Covid”. Pinupukaw nito ngayon ang galit ng mga imperyalistang kapangyarihan, na nakakaramdam ng epekto nito sa paglago ng kanilang ekonomiya. Sa pagkaparelo, ang mayorya ng “sosyalistang” kaliwa sa ibat-ibang bansa ay ngayon pumihit ng 180 grados upang kondenahin ang mga patakaran ng China o di kaya’y nananahimik na lamang sa isyu. Para sa karamihan ng mga pekeng sosyalista sa buong mundo, lubhang saliwa ang ganitong katayuan sapagkat ang ipinatupad ng CCP ay kung ano ang kanilang itinataguyod sa loob ng mahigit dalawa’t kalahating taon: malupit at mahabang lockdown hanggang mag-zero ang mga kaso.
Mula Abril 2021, naglatag ang LKI ng malinaw na argumento kung bakit kailangang tutulan ng proletaryado sa mga kapitalistang bansa ang mga lockdown, kung paano ang mga interes nito ay bumabangga sa bawat hakbang ng maka-uring paghahari ng burgesya at kung bakit ang kapitalistang pagtugon sa pandemya ay sumasalungat sa anumang progresibong pakikibaka ng uring manggagawa upang mapabuti ang mga kondisyon nito (tingnan ang “Ibagsak ang mga Lockdown!”). Ang batayang pamamaraang ito ay inilalapat namin ngayon sa China. Ang pangunahing argumento na ginawa para sa pagsuporta sa mga lockdown sa China, maging sa loob ng aming organisasyon, ay sa kadahilanan na ang China ay hindi isang kapitalistang estado, ang mga lockdown nito ay nagtataglay ng karakter na mas progresibo kaysa sa mga kapitalista. Totoo na nagbibigay-daan ang kolektibisadong nukleo ng ekonomiya ng China para harapin ang banta ng Covid-19 sa pamamagitan ng pagmobilisa ng mga rekurso sa antas na imposible sa mga kapitalistang bansa. Gayunpaman, ang mga rekursong ito ay hindi minobilisa alinsunod sa mga interes ng uring manggagawa kundi ayon sa mga interes ng may-pribilehiyong burukratikong saray na namumuno sa Republikang Bayan ng China (PRC) mula nang pagkakatatag nito. Pundamental na nagkakapareho ang katangian ng burukrasyang ito sa namuno sa Unyong Sobyet mula noong 1924 at mahusay na sinuri ito ni Leon Trotsky. Ipinaliwanag niya:
Ang panlipunang ugat ng burukrasya ay nasa pagka-atrasado at materyal na kasalatan ng isang aisladong estado obrero. Sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa na masyadong mababa para tustusan ang pangangailangan ng lahat, nakukuha ng burukrasya ang kapangyarihan mula sa papel nito bilang arbiter ng kakapusan, na nagpapasya kung sino ang mabibigyan at kung sino ang wala. Taliwas sa isang naghaharing kapitalistang uri, na ang kapangyarihan ay nakabatay sa pagmamay-ari nito sa mga kagamitan sa produksyon, ang burukrasya ay umiiral bilang isang linta sa mga kolektibong anyo ng ari-arian, kaya’t di-matatag at marupok ang paghahari nito. Naiipit ito sa pagitan ng dalawang makapangyarihang pwersa: ang higanteng proletaryado ng China, na tiyak na laban sa mga pribilehiyo ng naghaharing pangkatin, at pandaigdigang imperyalismo, na ang pakay ay ang panghuling pagkabagsak ng mga tagumpay ng Rebolusyong 1949 (at ang CCP mismo) para sa layunin ng pandarambong sa China.
Ang pagpapanatili ng may-pribilehiyong posisyon ng burukrasya ay nagpipilit dito na balansehin ang mga hindi masustinang kontradiksyon. Sa isang banda, ipagtatanggol nito ang pag-aari ng estado “sa lawak lamang na natatakot ito sa proletaryado” (Trotsky). Sa kabilang banda, sinisikap nitong palubagin ang imperyalismong pandaigdig sa pamamagitan ng mga konsesyon, sa paghahangad ng isang ilusyon ng “mapayapang pakikisama [peaceful coexistence].” Ang pangunahing tunguhin ng burukrasya ay palaging umigit sa mga kontradiksyong ito na may layuning mapanatili ang may-pribilehiyo nitong posisyon, isang gawain na partikular na mahirap sa panahon ng matinding krisis sa lipunan tulad ng pandemya.
Ang Trotskyistang pagtugon sa pandemya sa China ay nagsisimula sa walang kundisyong pagdepensa sa mga kolektibong anyo ng ari-arian mula sa panloob at panlabas na bantang kontrarebolusyonaryo. Nakabatay rin ito sa pag-unawa na ang paghahari ng burukrasyang CCP, sa pamamagitan ng pagsupil sa proletaryado, pagpapanatili ng mga hindi pagkakapantay-pantay at pagtanggi sa internasyunal na rebolusyon, ay nagpapalakas ng mga bantang panlipunan, ekonomiya, militar at pampulitika sa estado obrero. Kapag ang isang krisis ay umusbong mula sa matabang lupa na inararo ng burukrasya, ang CCP ay tumutugon sa kanyang buligaw at malupit na pamamaraan, na siya namang naghahasik ng mga binhi ng susunod na krisis. Samakatuwid, ang Trotskyistang pagdepensa sa estado obrero—sa pandemya man, panahon ng digmaan o anumang iba pang krisis—ay nakabatay hindi sa pagsuporta sa mga patakaran ng burukrasya kundi sa pakikibaka para ibagsak ang anti-sosyalista, burukratikong pangkating CCP sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyong politikal, at halinhan ang paghahari nito ng mga konseho ng manggagawa na pinamumunuan ng isang rebolusyonaryo, awtentikong partido Leninista. Malinaw na hindi kasundo ang ganitong perspektiba sa pagsuporta sa walang ingat at anti-proletaryong “dynamic zero-Covid” na mga palakad ng CCP.
Mga Panlipunang Sanhi ng Pandemya
Ang krisis panlipunan sa China na dulot ng Covid-19 ay naka-ugat sa malawakang kasalatan, pang-aapi at barbaridad na dulot ng naaagnas na pandaigdigang imperyalismo at, tulad ng sa iba pang bansa, kinuha ang partikular na pambansang anyo nito mula sa lokal na kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya. Bago pa man purihin ang “ala-Herculio na pagsisikap” ng Beijing bilang tugon sa pagsiklab ng Covid-19, mawari’y naisin ng mga nagbabansag sa sarili bilang mga sosyalista na pagnilayan ang mga kondisyong panlipunan na ugat ng kasalukuyang krisis. Malaki ang ikinaginhawa ng kalagayang panlipunan at pamumuhay sa China nitong mga huling dekada, na naging posible dulot ng mga tagumpay ng Rebolusyong 1949. Ngunit ang paghahari ng burukrasya ay nangangahulugan na ang paglago ng produktibidad at yaman ay desproporsyonadong napupunta sa sarili nitong mga kamay at sa umaasensong katutubong uring kapitalista. Nililimitahan at pinapahina nito ang progresong panlipunan at naglatag ng daan para sa kasalukuyang krisis.
Mula pa sa simula, tahasang iginiit ng burukrasya na mga lockdown lamang ang natatanging opsyon dahil sa dahop na kalagayan ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Sa loob ng maraming dekada, ang PRC ay may libre, pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan sa ilalim ng mga kondisyon ng “sosyalisadong karalitaan.” Ngunit ang mga repormang pang-merkado na isinagawa ng sunud-sunod na pamunuan ng CCP sa loob ng mga dekada ay nagsapribado at nangait sa pangangalagang medikal. Bagama’t sinasabi ng burukrasya na 95 porsiyento ng mga mamamayang Tsino ay sakop ng segurong medikal, isa itong panlilinlang: para sa daan-daang milyong manggagawa at magbubukid na Tsino, ang pagpapatingin sa doktor o pagtanggap ng batayang serbisyong medikal ay alinman sa isang magastos na bangungot o mismong imposible. Ang iba’t ibang mga iskema ng pa-seguro ay kadalasang sumasaklaw lamang sa maliit na bahagi ng mga gastos, at para sa mga pamilyang nagpapagamot, karaniwan na ang ipambayad ay ang salapi na kanilang iniimpok ng panghabambuhay.
Sa kanayunan, maraming rehiyon ang walang kahit na batayang imprastrukturang medikal, at ang kinasusuklamang hukou, ang sistema ng pagpaparehistrong pangsambahayan, ay nangangahulugan na ang karamihan sa mga migranteng manggagawa sa mga lungsod ay tumatanggap ng bahagya o walang gamutan kung saan sila nagtatrabaho. Ang China ay may napakababang bilang ng mga doktor (noong 2017, 2 bawat 1,000 tao kumpara sa 2.6 sa U.S. at 4.9 sa European Union [EU]); mababang bilang ng mga nars (2.7 bawat 1,000 kumpara sa 15.7 sa U.S. at 9.1 sa EU); at mababang bilang ng mga kama na pang-critical care (3.6 para sa 100,000 kumpara sa 25.8 sa U.S. at 11.5 sa EU). Noong 2019, gumastos ang China ng $535 per capita sa pangangalagang pangkalusugan, kumpara sa halos $12,000 sa U.S. at $3,500 sa Europa.
Ang kakapusan ng mga rekursong medikal ay nangangahulugan na ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay batbat ng katiwalian at panghuhuthot. Upang mapunan ang kakulangan ng mga tunay na serbisyong medikal, partikular sa kanayunan, hayagang itinataguyod ng burukrasya ang tradisyunal panggagamot. Sa lupain ng “sosyalismo na may mga katangiang Tsino,” ang sapat na gamutang medikal ay nakalaan para sa mga kapitalista at may-pribilehiyong burukrata na kayang bayaran ito, habang ang mga mahihirap ay kadalasang namamatay lamang sa mga karamdamang malulunasan naman.
Matapos wasakin ang sistema ng pangangalagang medikal, ang mga repormang pang-merkado ay nagsapribado rin ng real estate sa mga lungsod, na nasa ilalim ng kontrol ng mga parasitikong kumpanya na ang tanging layunin ay ispekulasyon, gaya ng ipinakita ng pagbagsak kamakailan ng Evergrande Group. Para sa maraming manggagawang taga-lunsod, ang pabahay ay lubhang magastos, na humahantong sa siksikan at maruming kondisyon ng pamumuhay na nagsisilbing panggatong sa pagkalat ng Covid-19 at iba pang mga sakit.
Ang iba pang sanhi na humahantong sa pagkalat ng Covid-19 at sa pangkalahatan ay nakakaapekto sa kalusugan ng sambayanang manggagawa ay ang lugar ng trabaho. Sentral sa mga repormang pang-merkado ay ang pagbukas ng China sa dayuhang pamumuhunan at ang pasadyang pagpapa-usbong, sa pamamagitan ng paghihikayat ng CCP, ng isang katutubong uring kapitalista. Isa sa mga pangunahing bunga ng patakarang ito ay ang pagsapi ng daan-daang milyong magbubukid sa proletaryado. Bagama’t isa itong progresibo’t makasaysayang pagsulong, ang mga manggagawang ito ay bumubuo ng isang malaking balon ng murang paggawa para sa mga kapitalistang kumpanya.
Laganap ang brutal na kondisyon ng patrabaho sa China—gaya ng nakikita sa mabagsik na sistemang “996” ng 72-oras na trabaho kada linggo—at ang wala pang nakakagawang pag-asenso ng China ay ginagatungan ng sobrang pagsasamantala sa mga manggagawa. Ang mga negosyong pag-aari ng estado ay hindi nakaligtas sa malupit na mga kondisyon. Maraming mga lugar ng trabaho ang pinapatakbo sa ilalim ng isang mala-militar na sistema ng paggawa, na inaprubahan at ipinapatupad ng mga unyon ng paggawa na kontrolado ng CCP at mga komite ng partido sa mga kumpanya, kung saan, hindi na kailangang sabihin, ang mga manggagawa ay walang tinig hinggil sa kalusugan at kaligtasan o sa kanilang pangkalahatang kondisyon sa paggawa. Ang kawalan ng trabaho at kawalan ng tirahan ay isang karaniwang salot sa Republikang Bayan. Ang polusyon sa hangin na dulot ng burukratikong maling pamamahala at walang limitasyon sa kapitalistang pandarambong ay naging suliranin sa malalaking lungsod na ang sakit sa panghinga ay mas madalas na kumakapit kumpara sa karamihan ng mga bansa, at naglalagay sa malaking bahagi ng populasyon sa mas malaking panganib ng mga komplikasyon mula sa Covid-19.
Ito ang pampaningas na sinindihan ng silakbo ng Covid-19. Kung tungkol sa mismong pinagmulan ng Covid, mainit pa rin ang pagtatalo sa isyu. Naninindigan ang burukrasya na ang teorya ng “lab leak” ay purong kasinungalingan at teorya ng konspirasiya. Ang nag-aabogado para sa CCP na Internationalist Group (IG) ay sumulat ng mahabang artikulo kontra sa teoryang ito, na nagpapahiwatig na ang maghain ng anumang pagdududa tungkol sa salaysay ng burukrasya ay nangangahulugan ng pag-atake sa China (“U.S. Big Lie Over Wuhan Is War Propaganda,” internationalist.org, Disyembre 2021). Walang pinagkasunduang siyentipiko tungkol sa pinagmulan ng Covid-19. Ngunit kahit na kunin natin ang gustong bersyon ng IG at ng CCP na nagmula ito sa pamilihan ng mga panlutong wildlife sa Wuhan—at ito ang pinaka-malamang—isinasangkot pa rin nito ang burukrasya! Ang kawalan ng kalinisan at mga kontrol at ang paghahalubilo sa mga wildlife sa lubhang masikip na kalunsuran ay humantong na sa mga pagkasalot noong nakaraan, tulad ng SARS noong 2002. Ang pagsiklab ng Covid-19 ay hindi isang “gawa ng Diyos” at ganap na maiiwasan, simula sa pagpapasara sa mga palengke ng wildlife na nagbebenta ng mga buhay na paniki sa mga pangunahing sentrong lungsod.
Ang huwad na pananaw na isinusulong ng CCP at ng mga tagapagtanggol nito ay ang mga lockdown at mga patakaran nito ang pinakamahusay at natatanging solusyon sa pagharap sa pandemya. Sa totoo, ang kasalukuyang krisis sa ekonomiya, lipunan at kalusugan, katunayan, ay sa pangkalahatan resulta ng mga patakaran ng burukrasya.
Paano Matutugunan ang Panlipunang Sanhi ng Pandemya
Ang pinaka-kagyat na hakbang upang matugunan ang mga batayan ng mga panlipunang sanhi ng krisis ay lubos na mabawasan ang disekwalidad sa loob ng China at muling ipamahagi ang mga rekurso upang mapabuti ang mga kondisyon ng pamumuhay. Halimbawa, ang pagpuksa sa uring kapitalista at pagkumpiska sa yaman ng burukrasya ay maaaring magpondo ng mga malalaking pagpapahusay sa sistema ng pangangalagang medikal, partikular sa kanayunan, na ang layunin ay magbigay sa madaling panahon ng libreng pangangalagang pangkalusugang may pinakamataas na posibleng kalidad sa egalitaryong batayan. Ang mga kondisyon ng pamumuhay ay maaaring mapabuti sa pamamagitan ng agarang redistribusyon ng nakatayong pabahay ayon sa mga pangangailangang panlipunan, na nagbibigay-pribilehiyo sa mga manggagawa sa halip na mga burukrata na may mahusay na koneksyon. Upang magkaroon ng ligtas na mga lugar ng trabaho, kailangang kontrolin ng mga manggagawa ang kalusugan at kaligtasan. Ngunit lahat ng elementarya at mahahalagang hakbang na ito ay direktang sumasalungat sa burukrasya. Ang mga ito ay hindi lamang nangangahulugan ng lantarang pagtakwil sa mga dekada ng bangkaroteng mga palakad; mas pundamental, na ang mga ito ay direktang sumasalungat sa interes ng burukrasya, na ang buong pamumuhay ay nakabatay sa pagtiyak ng materyal na mga pakinabang para sa kanilang sarili sa kapinsalaan ng uring manggagawa at mga magbubukid. Higit pa rito, maraming indibidwal na burukrata ang may kaugnayan o sila mismo ay mga kapitalista.
Bagama’t ang redistribusyon ng mga umiiral na yaman ay maaaring magbigay ng agarang kaluwagan, ang tanging solusyon para makawala sa materyal na pagkaatrasado ng China ay ang internasyonal na pagsudlong ng sosyalistang rebolusyon, partikular sa mga imperyalistang bansa. Ang transisyon tungo sa sosyalismo ay masisiguro lamang sa isang pandaigdigang planadong ekonomiya, kung saan ang banta ng imperyalismo ay napawi at ang pag-unlad ay nakasandig sa pinakamataas na antas ng teknolohiya at produktibidad sa paggawa, na kasalukuyang monopolyo ng pinakamakapangyarihang mga imperyalistang bansa. Ang ganitong pananaw ay maisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong mobilisasyon ng proletaryado sa China at sa buong daigdig, isang pananaw na kontratetikal sa Stalinistang burukrasya dahil ito ay magpapakawala ng mga pwersang hahantong sa pagpapatalsik sa may-pribilehiyong saray. Ito ang dahilan kung bakit ang palatandaan ng Stalinismo ay palaging ang programa ng konstruksyon ng “sosyalismo sa iisang bansa,” na sumasabay sa dogma na “ang China ay hindi nag-e-export ng rebolusyon.”
Ang anti-Marxistang programa na ito ay sumasalamin sa posisyon at interes ng burukrasya at tahasang binuo para mapaamo ang imperyalismo. Ang pagbakod sa sosyalistang konstruksyon sa loob ng itinakdang pambansang hangganan ay panata sa mga imperyalistang kapangyarihan na ang estado ng mga manggagawa ay hindi magiging banta sa pandaigdigang kaayusang kapitalista. Ang programang ito ay humantong sa pagbigti ng mga rebolusyong Tsino (1927), Aleman (1933), Pranses (1936 at 1968), Espanyol (1937) at Indonesian (1965), at marami pa. Ngunit tulad ng ipinaliwanag ni Trotsky tungkol sa USSR:
Ito ay lubos na naaangkop sa China at nasa puso ng panibagong imperyalistang kampanya ng U.S. laban sa PRC. Gaano man ka-“maaasahan” at “mapagtimpi” ang pagpapakita ng burukrasyang CCP, gaano man nito supilin ang uring manggagawang Tsino, sa mga mata ng pandaigdigang burgesya, palagi itong nababahiran ng tanda ng rebolusyong panlipunan. Malayo sa pagpapatibay sa mga tagumpay ng Rebolusyong Tsino, itinatanggi ng CCP ang tanging paraan upang tunay na magarantiya ang kanilang depensa: ang internasyonal na ekstensyon ng rebolusyon. Ang batong-panulok na ito ng Trotskyismo ay tiyak na napatunayan sa negatibo sa kapitalistang kontra-rebolusyon na nagwasak sa Unyong Sobyet noong 1991-92. Katulad din sa China, alinman sa burukratikong paghahari ng CCP ay wawakasan at papalitan ng isang rebolusyonaryong pamumuno o kung hindi, ang kontrarebolusyon ay magdadala ng isa pang “siglo ng kahihiyan.”
Ang Tugon ng CCP
Ang CCP at ang mga tagapagtanggol nito ay umaawit ng mga papuri sa diskarteng “dynamic zero-Covid” ng China. Narito ang isa sa hindi mabilang na mga halimbawa na makikita sa mga peryodiko ng CCP:
Ang pamantayang ginagamit ng CCP para ikalugod ang “tagumpay” ng partido ay ang mababang tantos ng namamatay, ang pagsugpo sa virus sa loob ng mga hangganan ng China at patuloy na paglago ng ekonomiya. Kung ang iyong buong diskarte ay idinidikta sa pamamagitan ng pag-tsek sa mga kahon na ito, ay talagang nagmakahusay ang CCP.
Ngunit hindi ganito ang pagsusuri ng mga rebolusyonaryo sa mga tagumpay at kabiguan ng isang estado ng manggagawa. Bilang tugon sa Stalinistang burukrasya na ipinagmamalaki ang industriyalisasyon ng USSR at ang matagumpay na pagpuksa ng kulaks (mayamang magsasaka), ipinaliwanag ni Trotsky:
Tinitimbang sa sukat ng “may kamalayan sa pag-iintindi sa kinabukasan at planadong pamumuno,” ang tugon ng CCP sa pandemya ay isang kabiguan sa bawat antas. Gaya ng ipinaliwanag sa itaas, ang mga patakaran ng sunud-sunod na rehimen ng CCP ay lubos na nagpapalaki ng panganib ng paglitaw ng isang bagong peligrosong virus, ng mabilis na pagpapalaganap nito sa antas ng epidemya at ng pagbagsak ng sistema ng pangangalagang medikal. Tungkol naman sa tugon nito mula noong sumiklab ang virus, ang mga aksyon ng CCP sa bawat hakbang ay nagpalala pa sa krisis.
Ang agarang reaksyon nito sa pagsiklab ng Covid-19 sa Wuhan, na malawak na kinikilala (kahit na ng maka-CCP na artikulo sa Workers Vanguard), ay isa sa mga pagtatakip, pagtanggi at pag-supil sa mga naghudyat ng alarma.1 Dahil naging malinaw na ang virus ay nag-udyok ng isang malaking krisis sa lipunan kung saan umaapaw ang mga ospital sa Wuhan at ng pagtaas ng malawakang diskontento, hilabihang nagbago ng paninindigan ang CCP, nagpataw ng matitinding hakbang at nagmobilisa ng napakalaking rekurso para masugpo ang sigalot.
Ang mga hakbang ng burukrasya ay talagang pumipigil sa pagplaganap ng virus (sa ilang panahon). Ang mga ito ay hindi dala ng anumang moral na komitment na “iligtas ang mga taumbayan” kundi ng pangangailangan na sugpuin ang mga panlipunang kontradiksyon na itinampok at pinalala ng virus. Ipinakita ng Covid-19 sa maalab na paraan ang panlipunan at pang-ekonomiyang mga pangangailangan ng proletaryado: ang mas mabuting pangangalagang pangkalusugan, pabahay, mga kondisyon sa pagtatrabaho. Ngunit ang mga pangangailangang ito ay sumalpok sa mga realidad ng China, isang aisladong estado obrero na sinasalot ng kakapusan, burukratismo, inekwalidad at isang parasitiko na rehimeng politikal.
Ang kinakaharap ng uring manggagawa ay ang iugnay ang kagyat na pakikibaka laban sa banta ng Covid-19 sa pakikibaka upang malutas ang mga kalagayang panlipunan sa ugat ng krisis. Para sa burukrasya, ang kinakaharap ay ang pagpigil sa sigalot upang mapanatili ang katatagang panlipunan, tiyakin ang pampulitikang kontrol ng CCP sa pagtugon sa Covid-19 at, lalo sa lahat, durugin ang anumang panlipunang aspirasyon ng uring manggagawa na sasalungat sa pamamahala nito. Ito ang mga pampulitikang pagsasaalang-alang na gumagabay sa pagtugon ng burukrasya sa mga pagsiklab ng Covid-19. Ang isang bagong elemento, ngayong malaki na itong naipuhunan sa patakarang “dynamic zero-Covid” na nagpapatunay sa “superioridad” at “walang hanggang karunungan” ng CCP na pinamumunuan ni Xi Jinping, ay ang kawalan ng anumang posibilidad ng pagbwelta na hindi magdudulot ng malaking kasiraan sa rehimen. Gayunpaman, habang ang mga mapaminsalang bunga ng patakaran nito ay nagpapatung-patong, maaaring mapilitan ang burukrasyang bumwelta, kahalintulad ng mga Stalinistang zigzag.
Sinasabi ng CCP na ang mga patakaran nito ay inilagay upang protektahan ang taumbayan. Pero bakit sapilitang ikinulong ang mga mamamayan sa kanilang mga tahanan nang labag sa kanilang kalooban, at binabantayan ng mga drone, robot at komite ng kapitbahayan? Bakit kapag ang mga mamamayan ay naglalabas ng mga kritisismo, reklamo at mungkahi, sila ay sumasailalim sa total na sensura at kung minsan ay pagkabilanggo? Para ba sa mga taumbayan na ang mga manggagawa ay ikinukulong sa kanilang mga pabrika, pinipigilang makauwi? Kung ang “dynamic zero-Covid” ay dapat na “para sa taumbayan,” bakit ito ipinapatupad laban sa mamamayan?
Ang sagot ay simple: ang buong burukrasya ng CCP ay nakabatay sa pang-aapi sa taumbayan. Ang pag-iipon nito ng mga pribilehiyo ay tahasang pagnanakaw, isang pag-abuso sa kapangyarihan na lumilipad sa harap ng lahat ng sosyalistang prinsipyo. Dahil ang pamumuno nito ay nakabase sa ganap na pampulitikang kontrol ng aparato ng pamamahala, anumang independiyenteng pagpapahayag ng mga pangangailangan at interes ng mga manggagawa ay nagiging hamon sa pagiging lehitimo ng Stalinistang burukrasya. Hindi nito maaaring hayaan ang mga manggagawa na magsalita ng kanilang mga nasa isip dahil ang unang mga salita na lalabas sa kanilang mga bibig ay isang pagkondena sa inekwalidad, burukratikong pamamahala at pampulitikang panunupil. Alang-alang sa sarili nitong pagpapanatili, pinipigilan ng burukrasya ang anumang kahulugan ng inisyatiba, kritikal na pag-iisip o konstruktibong ambag na mula sa masang manggagawa.
Tunay na matagumpay ang CCP sa pagpapanatiling mababa ang bilang ng mga nasawi. Ngunit ang itinatago ng istatistikang ito ay ang tunay na kilabot na dulot ng mga patakaran ng burukrasya. Itinatago nito ang daan-daang milyong nakakulong sa kanilang mga tahanan sa loob ng ilang linggo nang walang sapat na pagkain, gamot o iba pang pangunahing pangangailangan. Nag-uumapaw ang mga ospital, tumatanggi na sa panggagamot, saan ang mga kawaning medikal ay itinutulak na sa sukdulan. Pagkakulong sa mala-Kafka na quarantine centers, paghihiwalay ng mga pamilya, ng mga bata sa kanilang mga magulang. Ang mga manggagawang kinadena sa kanilang mga makina at ikinulong sa mga pabrika. Disempleyo at pagkawasak ng maliliit na negosyo. Laganap na censorship at pag-aresto sa sinumang maglakas-loob na i-kwestiyon ang alinman sa mga ito. At lahat ay ginawa sa ngalan ng pagtayo ng “sosyalismo na may mga katangiang Tsino,” na maaari lamang mag-ambag sa pagkasira ng sosyalismo sa mata ng mga manggagawa at maralita at tumulong sa kampo ng kontrarebolusyon.
Ang Trotskyistang Tugon
Taliwas sa mga kasinungalingan ng CCP, ganap ang posibilidad na protektahan ang kalusugan ng populasyon at ipagtanggol ang Republikang Bayan nang walang brutal at anti-proletaryong pamamaraan na ipinataw ng burukrasya. Ang paglaban sa Covid-19 ay isang gawaing pampulitika. Pinakilos ng CCP ang populasyon sa likod ng nasyonalismong Tsino at pagsuporta sa impalabilidad ni Xi Jinping. Para sa mga Trotskyista, ang pakikibaka laban sa Covid-19 ay nagsisimula sa ilalim ng bandila ng mga sosyalistang rebolusyon sa mga kapitalistang bansa, walang kondisyong pagdepensa ng China laban sa kontrarebolusyon at rebolusyong pampulitika para patalsikin ang mga Stalinistang burukrata. Narito ang dapat ipaglaban ng mga tunay na komunista sa China:
Ibagsak ang mga lockdown! Mandatory na pagbabakuna ngayon! Ang burukrasya ng CCP ay handang ikulong ang milyun-milyon sa loob ng maraming buwan na may walang katapusang mass testing, ngunit hindi man lang nila gawin ang pangunahing hakbang ng pagbabakuna sa buong populasyon. Habang nasa ilalim ng brutal na lockdown ang Shanghai sa loob ng mahigit dalawang buwan, 38 porsiyento ng populasyon nito na may edad 60 pataas ay hindi pa ganap na nabakunahan.
Para sa kontrol ng mga manggagawa sa kaligtasan at produksyon! Ang mga manggagawa ang dapat nagpapasya kung ano ang ligtas at kung paano dapat patakbuhin ang mga pabrika, hindi ang ilang burukratang tagatulak ng pluma o kapitalistang sumisipsip ng dugo. Para sa mga unyon ng paggawa na malaya sa burukratikong kontrol at nakasandig sa pagtatanggol sa kolektibong ari-arian!
Para sa pagrebisa ng planadong ekonomiya mula sa itaas hanggang sa ibaba para sa interes ng mga producer at konsumer! Dapat nitong tiyakin ang pagtatatag ng libreng pangangalagang medikal at edukasyon para sa lahat, gayundin ang de-kalidad na pabahay para sa bayang tagapaggawa. Ibasura ang sistemang hukuo!
Samsamin ang domestiko kapitalistang uri! Ang mga linta na ito ay mga punla ng kapitalistang kontrarebolusyon, na nilimlim ng burukrasya ng CCP. Tapusin ang patakarang “isang bansa, dalawang sistema” sa pamamagitan ng pagsamsam sa mga tycoon ng Hong Kong!
Manggagawa ng daigdig, magkaisa! Ang kaalyado ng uring manggagawang Tsino ay ang internasyonal na proletaryado, lalung-lalo na sa mga imperyalistang sentro, ang U.S., Alemanya at Japan. Ang reaksyunaryong internasyonal na patakaran ng burukrasya ng pakikipagkasundo at pagsuko sa mga imperyalista ay dapat palitan ng patakaran ng proletaryong internasyonalismo. Ilathala ang kumpletong kasulatang diplomatiko ng Beijing. Ibagsak ang palihim na diplomasya!
Patalsikin ang Stalinistang burukrasya! Para sa isang partido Leninistang egalitaryo, bahagi ng isang muling pinanday na Ika-Apat na Internasyonal! Ang daan pasulong para sa mga manggagawa at magbubukid na Tsino ay ang kina Lenin at Trotsky, hindi kay Mao o Stalin. Nangangahulugan ito ng demokrasyang soviet at rebolusyonaryong internasyonalismo sa modelo ng dakilang Rebolusyong Oktubre ng 1917!
1. Sabik naming hinihintay ang artikulong ipinangako ng IG sa piyesang “lab leak” noong Disyembre 2021, na tila maglalantad sa “Malaking Kasinungalingan” na “maagang sinubukan ng Beijing diumano na itago, pagtakpan ang mga pagkakamali at supilin ang impormasyon tungkol sa pandemya.”